Bilibid, tatadtarin ng CCTV cameras vs iregularidad—DOJ

Bilibid, tatadtarin ng CCTV cameras vs iregularidad—DOJ

NAGLATAG ng mga solusyon si Justice Secretary Boying Remulla para sa mahigpit na monitoring and prevention ng mga iregularidad sa loob ng Bilibid.

Bago magsimula ang kanilang budget briefing sa Kamara ay aminado si Justice Secretary Boying Remulla sa mga hamong kinahaharap sa loob ng Bilibid.

Lalo pa’t bago lang sila natakasan ng isang preso sa loob pa mismo ng Maximum Security Compound.

Nariyan pa ang isyu ng hindi matapos-tapos na iregularidad.

Pagpupuslit ng mga kontrabado sa loob ng bilangguan.

At ang isyu ng umano’y kalakaran ng ilegal na droga sa loob ng munti.

Kaya bilang solusyon…

“Marami na kaming ginagawa ngayon eh. Actually may press con kami mamayang hapon. Nagdi-dismantle kami ng mga kubol ngayon sa loob. Kasi nga nakita namin ‘yung congestion, it’s also caused by special privileges given to people, tapos iyan makikita mo talaga ‘yung loopholes sa loob,” pahayag ni Sec. Boying Remulla, Department of Justice.

Kung si Senator Robinhood Padilla ang tatanungin, tepok ang inabot ng mga nagtangkang tumakas noon sa Bilibid.

Mahigit tatlong taon din sa loob noon si Padilla.

“Una po sa lahat noong ako po ay nakulong diyan ng tatlo’t kalahating taon, wala po akong nabalitaan na nakatakas sa Maximum na nabuhay. Talagang lahat po diyan ay namatay talaga. Walang nakaligtas diyan, kahit yung isang dating sundalo po na nakipagbarilan pa diyan eh natepok din po ‘yun,” ayon kay Sen. Robinhood Padilla.

Kaya bilang sa agarang solusyon ang magpatupad ng rigodon sa mga tagabantay sa loob.

“Kaya ano ‘yan, actually baka mag-round 2 tayo ng reshuffling. Baka hingin namin sa Congress nga ‘yung reorganization ng BuCor. Kasi parang kulang pa ‘yung first phase ng reorganization,” dagdag ni Remulla.

Mahigit sa P34-B ang proposed budget ng DOJ sa 2024.

Mula ito sa mahigit P28-B na approved budget ngayong taon.

Ayon kay Secretary Remulla, ang DOJ at attached agencies nito ang may pinakamaliliit na budget sa mga ahensiya ng pamahalaan.

Pero, ang budget para sa pagkain at gamot ng mga preso, hindi nagbago.

Saad ni Remulla, P100 na food allowance at P30 na medical allowance ang request nila sa bawat inmate.

Pero, hindi aniya ito pinagbigyan ng Budget Department.

Kaya mananatili pa rin sa P70 sa food at P30 na medical allowance ang budget sa Bilibid boys.

Pero magkagayun man, pagtutuunan aniya ng DOJ na mapaigting ang surveillance sa loob ng mga kulungan.

Kaya, popondohan nila ang procurement ng CCTV cameras sa 2024.

“We have P100 million for CCTV Mr. Chairman. Isandaang milyon po para sa CCTV meron po,” ayon pa kay Remulla.

Hindi naman kasali sa popondohan sa 2024 ang body worn cameras ng mga bantay sa Bilibid.

Umaasa naman ang DOJ na tutulungan sila ng Kongreso na mapataas ang budget sa susunod na taon.

Lalo na sa pagtatayo ng mga bagong penal colonies bilang solusyon sa congestion sa piitan.

“Noong panahon na ako’y nakakulong diyan, kalahati lang po ang natutulog. ‘Yung kalahati po ay nakaupo kasi sa sobrang puno po ng selda. Ganoon po, ‘yung unang mga pinatutulog po diyan ‘yung matatanda ‘yung mga may sakit. Pagdating po ng bukas ng selda, lalabas sila. ‘Yung mga matutulog naman po ‘yung hindi natulog. Sa loob po ng CR may natutulog,” dagdag ni Padilla.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter

Follow SMNI NEWS on Rumble