NAPIGILAN ng Bureau of Corrections (BuCor) ang isang bisitang babae na nagtangkang magpuslit ng hinihinalang iligal na droga sa loob ng New Bilibid Prison sa Muntinlupa City nitong Martes, Marso a-25.
Natuklasan ang iligal na droga sa isang regular na inspeksyon sa mga bisita sa inmate visiting services unit – Maximum Security Compound.
Arestado si Rovelyn Fabillar, bente-sais (26) anyos, at residente ng Villa Evangelista, Purok 7, Palatiw, Pasig City, matapos matagpuan ang hinihinalang shabu sa pribadong bahagi ng kanyang katawan.
Sabi ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr., nadakip si Fabillar, isang rehistradong bisita ng isang person deprived of liberty (PDL) na si Lester Martin Ramos, matapos makita ang hinihinalang methamphetamine hydrochloride o mas kilalang shabu.
Ito’y nakasilid sa kanyang pribadong bahagi ng katawan, nakabalot sa condom at nakalagay sa isang transparent na plastik.
Sa isinigawang inspeksyon, napansin ng mga tauhan ng BuCor ang kakaibang umbok sa tiyan ni Fabillar.
Binibigyang-diin ni Catapang na mahalaga ang pagpapatupad ng mga ganitong hakbang para mapanatili ang integridad ng mga operasyon ng pasilidad at matiyak na hindi makakapasok ang illegal substances sa loob ng bilangguan.
Noong nakaraang taon, nakakuha ang BuCor ng dalawang advanced full-body scanner na kayang makita ang mga bagay na nalunok o nakatago sa ilalim ng damit, kabilang ang mga kontrabando sa katawan ng mga bisita.
Layunin nitong mapabilis ang proseso ng seguridad at mabawasan ang pangangailangan ng invasive strip searches at manual cavity checks.
Nakapagbigay na ng proactive na hakbang ang BuCor sa paglaban sa pagpupuslit ng droga’t sa pagpapanatili ng kaayusan sa loob ng kulungan.
Iniharap na si Fabillar sa Muntinlupa Philippine National Police, habang ang nakumpiskang mga gamit ay iniharap naman sa Philippine Drug Enforcement Agency o PDEA para sa tamang disposisyon.