ASAHAN na ngayong Kapaskuhan ang pagtaas ng bilang ng biyahe patungong Hong Kong at Singapore at maging ang pabalik dito sa bansa.
Dahil sa inaasahan na dagsa na rin ang pag-uwi ng mga overseas Filipino workers ngayong Kapaskuhan, madagdagan na rin ang mga biyahe para sa mga kababayan na pupunta o pabalik mula Hong Kong at Singapore.
Ito’y kasunod sa pag-anunsiyo ng Air Asia Philippines na muli nilang bubuksan ang flight papunta at pabalik ng Hong Kong at Singapore mula Manila ngayong buwan ng Disyembre.
Ayon kay Air Asia spokesperson Steve Dailisan simula ngayong Disyembre 4 magkakaroon na ang Airasia’s Weekly Manila-Singapore Flight Z2-825 tuwing araw ng Sabado.
Aalis ito mula Ninoy Aquino International Airport Terminal-3 8:00 ng umaga at 11:40 naman ng umaga ang inaasahang lapag nito patungong Changi Airport.
Habang ang biyahe naman nito mula Manila patungong Hong Kong ay aalis tuwing araw ng Linggo na sisimulan sa Disyembre 5.
Ang Flight Z2-1264 mula NAIA T3 ay lilipad ng 8:35 ng umaga at inaasahang lalapag ito sa Hong Kong International Airport ng 10:55 ng umaga.
Sa tala ng Department of Labor and Employment (DOLE) naiulat na hanggang Hunyo 2021, may 165,000 OFWs sa Hong Kong at 30,000 na mga kababayan ang nasa Singapore.
Inilagay ng Pilipinas ang Hong Kong sa category ng green list ibig sabihin ang mga dumarating na pasahero galing Hong Kong na fully vaccinated ay hindi na nire-require na sumailalim sa quarantine pero kailangan nito ng negative RT-PCR na kinuha sa loob ng 72 hours.
Ang Singapore naman ay inilagay sa yellow list ibig sabihin ang mga fully vaccinated naman na mga pasahero galing Singapore ay kailangan sumailalim sa 5-day quarantine hanggang ma i-release ang RT –PCR test result nito .
Maaari naman ipagpatuloy ang kanilang quarantine na gagawin sa kanilang pamamahay.
Bilang pagdiriwang sa muling pagbabalik ng flights ng Air Asia sa Hong Kong at Singapore, iniaalok ng naturang airlines ang maagang Christmas treat nito sa mga OFW ang ‘Airasia Balikbayan Package’.
Sa pamamagitan ng paggamit ng promo code BLKBYN10, maaring mag-enjoy ang mga manlalakbay sa 10% off na biyahe mula Manila patungong Singapore o vice versa .
Maaari namang mag-booked ngayon hanggang Nobyembre 21 na may travel dates na Disyembre 4 hanggang Marso 26, 2022.
Makatatanggap din ang mga manlalakbay ng 10% discount para sa booking na ginawa ng hanggang Nobyembre 14 para sa flights mula Disyembre 5 hanggang Marso 30, 2022 na papunta at pabalik ng Manila –Hong Kong.
Marami pang mga discount sa leisure travel na binuksan, pinapayuhan na alamin ang mga requirement bago magtungo sa bansang pupuntahan.