NILINAW ni Philippine Airlines (PAL) spokesperson Cielo Villaluna na pansamantalang magbabago ng ruta ang lahat ng mga biyahe mula New York at Toronto para maiwasan ang Russian airspace.
Ayon sa PAL, dadaan sa Vancouver, Canada ng isang oras ang flight mula John F. Kennedy International Airport sa New York patungong Manila at Toronto-Manila route.
Ito ay upang makapag-refuel bago tumuloy sa Manila.
Ayon sa PAL, ginagawa nila ang ganitong pag-iingat dahil sa pangamba sa airspace closure na may kaugnayan sa patuloy na labanan ng Russia-Ukraine.
Dahil dito, ang isang oras na paghinto sa paglalagay ng gasolina at ang mas mahabang pagruruta sa North Pacific Ocean ay magpapataas ng oras ng paglalakbay.
Hinahangad naman ng PAL ang pang-unawa ng mga pasahero para sa kinakailangang hakbang na ito, dahil ang kaligtasan at integridad sa pagpapatakbo ay nananatiling pundasyon ng kanilang mga operasyon.
Gayunpaman, ayon sa PAL ang kanilang mga eastbound flight mula Manila (PR 126 at PR 118) ay patuloy na magpapatakbo ng nonstop na Manila papuntang New York JFK, at nonstop na Manila papuntang Toronto.
Paliwanag ng PAL, ang mga flight na ito ay hindi lumilipad sa teritoryo ng Russia.
Samantala, inanunsyo rin ng PAL na ang kanilang mga departure flights ng Dammam Dubai Riyadh Toronto at Vancouver ay aalis sa Terminal 1 habang ang Dammam Dubai at Riyadh ay may arrival flight sa NAIA Terminal 1.
BASAHIN: Domestic flight operations sa NAIA Terminal-4, muling binuksan