INANUNSYO ng Philippine National Railways na ihihinto muna ang biyaheng Gov. Pascual, Malabon-Calamba para bigyan-daan and konstruksyon ng North-South Commuter Railway.
Pinabibilis na ng pamahalaan ang konstruksyon ng mga proyekto na makatutulong na mapagaan ang buhay ng mga Pilipino lalo na sektor ng transportasyon.
Sa ginawang pagdinig sa House Committee araw ng Huwebes, ipinaalam ni Undersecretary for Railways Cesar Chavez na pansamantalang ititigil ang biyahe ng tren sa rutang Gov. Pascual, Malabon hanggang Calamba.
Ito ay para bigyan-daan ang konstruksyon sa makabagong North-South Commuter Railway (NSCR).
Kinakailangan na aniyang mailatag ang NSCR tracks at pagtatayo ng mga poste na inaasahang aabutin hanggang 8 buwan.
Sa paraang ito, ay tinatayang aabot sa higit P15 bilyon ang matitipid ng pamahalaan sa oras mapadali ang konstruksyon ng naturang proyekyo.
Biyaheng Alabang-Calamba ng PNR, tatapusin sa katapusan ng Mayo
Samantala, ihihinto na rin sa katapusan ng Mayo rutang Alabang-Calamba ng PNR.
Gayundin ang operasyon ng PNR sa rutang Tutuban-Alabang ay nakatakda ring ihinto sa Oktubre ngayong taon.
Ipinunto ni Chavez na ang maagang pagtatapos ng NSCR project ay makapagbibigay ng mas agarang serbisyo sa mga pasahero sa mga rutang daraanan nito.
Nakikipag-ugnayan na rin ang ahensya sa LTFRB para mabigyan ng alternatibong transportasyon ang aabot sa 30,000 pasaherong apektado ng paghinto ng biyahe ng PNR.
“Magsasagawa ng pormal na anunsyo ang DOTr at PNR dalawang buwan bago ang opisyal na paghinto ng operasyon ng mga tren,” ayon kay Undersecretary for Railways Cesar Chavez.
Inaasahang sa darating na Mayo ang pinaka-maagang paghinto ng operasyon ng PNR sa rutang Gov. Pascual, Malabon-Calamba.
Giit nito na prayoridad ng pamahalaan na matiyak na ligtas sa pag-biyahe ang mga pasahero kung kaya’t isa ito sa mga dahilan ng paghinto ng operasyon ng PNR upang mapabuti pa ang pagbibigay serbisyo.
“Ang kaligtasan at kapakanan ng mga pasahero ng PNR ang laging number 1 sa prayoridad ng pamunuan ng PNR. Ang magkaakibat na isyu ng kaligtasan at kapakanan ng mga pasahero ng PNR ang parating gumagabay sa mga desisyon ng pamunuan ng PNR,” dagdag ni Chavez.
Maituturing aniya na ang NSCR ay isa sa mga pinakabagong train systems sa buong Silangang Asya.
Ito ay magkakaroon ng mga rutang Tutuban- Clark International Airport at Tutuban-Calamba na inaasahang matatapos ang NSCR sa taong 2026.