UMAAPELA sa kasalukuyang administrasyon ang maybahay ng yumaong Overseas Filipino Worker (OFW).
Humihingi siya ng tulong na mabigyan ng hustisya ang mga dokumentong ipinasa niya sa isang online platform para makasali sa listahan ng mga babayaran ng Saudi Government sa libu-libong OFWs na hindi tumanggap ng suweldo mula sa mga kompanya na nagsara sa naturang bansa.
“Doon ako lalong nahirapan kasi kinuha na siya ni Lord sa akin (umiiyak), July 18, 2020 bumalik ang cancer niya dahil sa kailangan niyang magtrabaho eh, kailangan niyang i-survive ‘yung family namin, saan kami kukuha? Kasi ‘yun ngayong sahod na inaasahan niya sa Saudi Oger, wala eh hindi naibigay,” ani Elaine Malloy-on, Saudi Claimant.
Isa ang yumaong asawa ni Elaine sa libu-libong OFWs na hindi nabayaran ang suweldo ng mga kompanyang nabangkarote sa Saudi Arabia ilang taon na ang nakalilipas.
Isinalaysay ni Elaine kung gaano kahirap ang kailangan niyang pagdaanan simula nang magka-rectal cancer ang kaniyang asawa.
Taong 2015 pa lang ay wala nang natatanggap na suweldo ang kaniyang asawa dahil nagsimula nang malugi ang kanilang kompanya na Saudi Oger.
2017 nang magdesisyon na itong umuwi ng Pilipinas.
At para may ipantustos sa kanilang araw-araw na pangangailangan ay pumasok itong driver habang si Elaine ay nagsisikap din namang manahi at magtinda.
Pagkalipas ng isang taon – nabiyuda na si Elaine nang bumigay na ang kaniyang asawa sa sakit nitong cancer.
Inanunsiyo ng Department of Migrant Workers (DMW) ang pangako ng Saudi Arabia noong Nobyembre 2022, na makukuha na ng nasa 10,000 OFWs ang kanilang mga sahod na hindi pa nababayaran.
Ito’y pagkatapos magkita sina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at si Saudi Crown Prince Mohammad bin Salman sa Asia-Pacific Economic Cooperations Summit sa Bangkok, Thailand.
Dahil sa pangako, maraming OFW ang naghihintay na makuha ang kanilang claims na umaabot nang bilyun-bilyong piso kabilang na ang biyuda na si Elaine.
Noong Pebrero 6, 2024, kinumpirma ni Pangulong Marcos na nagsimula na ang pagbabayad ng Saudi Arabia sa claimants sa pamamagitan ng mga tseke mula sa Alinma Bank sa Saudi. Pinoproseso naman ng Overseas Filipino Bank at Land Bank of the Philippines ang mga tseke.
Tumalima naman si Elaine sa inilabas ng DMW na mga alituntunin o requirements na maaaring sundan ng biyuda, tagapagmana, o kamag-anak ng isang OFW claimant na pumanaw na.
Sa Ehqaq platform tinanggap naman ang mga isinumiteng requirements ni Elaine, ngunit ang nakapagtataka wala siya sa listahan ng Saudi Government upang makuha ang claims.
“Oo, yes, may mga sinasabi na paparating na raw, may mabibigyan daw, pero papaano naman kami na nakalagay na, ako not listed ako ‘eh samantalang approved naman ako sa Ehqaq, ibig sabihin nandoon ang requirements, kaya lang ngayon ang sabi sa akin, magpray lang kami, so ano ‘yun,” ani Elaine.
Sinabi rin niya na ang pangako sa kanila noon ay Government to Government ang paraan para makuha ang claims pero ang nangyari direkta ang Saudi Governments sa mga claimant.
Para naman kay Atty. David Castillon – ang founder at chairman ng Special Alliance of Welfare Officer, Advocate, Recruiters and Migrant Workers (SWARM) hindi prayoridad ang mga empleyado kapag panahon na ng pagbabayad ng naluging kompanya.
“Meron kasing batas on liquidating the assets of the corporation, hindi naman kasi sinabi na kapag nagsarado o nalugi ang kompanya ay ang uunahin nila ang mga Pilipino, wala naman kasing batas sa Saudi na kapag halimbawa na kapag nag-liquidate sila ng corporation doon, mga asset nila ay uunahin talaga ‘yung mga Overseas Filipino Workers,” saad ni Atty. David Castillon, Founder & Chairman, SWARM.
Naniniwala rin si Castillon na kapag nandiyan na ang pera para bayaran ang claimants ay hindi na dapat ito maging pahirapan sa kanila dahil noon pa man ay inihanda na at nakumpleto na ang mga dokumento para sa pag-claims.
“Basta the most important elements of settlements of claims is ‘yung readiness noong pera, kasi hindi na gobyerno,” saad ni Castillon.
Samantala, umaasa naman si Elaine sa pangako ng pamahalaan na tutulungan sila.
“Ako po personally, nanawagan po sa inyo PBBM na sana po matuldukan na po talaga na bago matapos ang taong ito ay maibigay na ang pinaghirapan ng asawa ko para sa future ng mga anak namin,” panawagan ni Elaine.