BOC, lumampas sa target na koleksyon nito sa Pebrero

SA kabila ng pananalasa ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic at sa epekto nito sa kalakalan, lumampas ang Bureau of Customs (BOC) sa target koleksyon nito sa buwan ng Pebrero taong 2021.

Umabot ang koleksyon ng BOC sa P46.145 bilyon na malaki sa P42.157 bilyong target nito para sa buwan ng Pebrero.

Base sa paunang ulat mula sa BOC-Financial Service, 10 sa 17 Collection Districts ang lumampas sa target nito para sa buwan ng Pebrero.

Kabilang dito ang Port of Legazpi, Port of Tacloban, Port of Cagayan de Oro, Port of Subic, Port of Batangas, Port of Iloilo, Port of Clark, Port of Davao, Port of Manila, at Manila International Container Port.

Ayon sa ahensiya, napatunayan nito ang maigting na pagtutulungan sa lahat ng mga daungan sa bansa ngayong taon.

Tiniyak din ng ahensiya na mapapabuti ang dami ng importasyon at ang pagsiguro na hindi mahahadlangan ang kilos ng mga produkto habang patuloy rin na ipinatutupad ang seguridad at ang pagpapabilis sa kalakalan.

Sa muli ay pinasalamatan ni BOC Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang mga kawani sa Bureau of Customs na sa kabila ng panganib ng kanilang kalusugan at proteksyon ay patuloy ang kanilang hindi matatawarang paninindigan at dedikasyon sa serbisyo.

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.