BOC, tukoy na ang consignee ng parcel na may lamang ₱13-M ilegal na droga na nasabat sa Pasay

BOC, tukoy na ang consignee ng parcel na may lamang ₱13-M ilegal na droga na nasabat sa Pasay

NASAMSAM ng Bureau of Customs-Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA) ang mahigit P13-M na halaga ng ilegal na droga sa Central Mail Exchange Center (CMEC) sa Pasay City noong nakaraang linggo.

Sa isang public briefing nitong Martes, sinabi ni Bureau of Customs (BOC) Spokesperson Assistant Commissioner Vincent Philip Maronilla na kabilang sa uri ng droga na kanilang nasabat ay ecstasy at ketamine.

Ibinahagi ng BOC na ang parcel ay una nang idineklara bilang canned goods mula sa Denmark at naka-consign sa isang indibidwal sa Taguig City.

Sa update ng BOC, ani Maronilla, natukoy na nila ang consignee ng naturang parcel.

Ngunit hindi pa aniya nila maaaring isapubliko ang pagkakakilanlan nito.

“May na-identify na po kami, we just can’t reveal the personality yet bcoz there’s still ff up operations relative to the partikular shipment para makita at mahuli natin kung sino talaga lahat may kinalaman sa pagpaparating ng shipment na ‘to,” pahayag ni Atty. Vincent Philip Maronilla, Assist. Commissioner & Spokesperson, BOC.

Inilahad ng opisyal na lumabas sa X-ray machine na ang mga paketeng nasa loob ng parcel ay naglalaman ng mahigit limang libong piraso ng ecstasy at higit 400 piraso o 998 gramo ng ketamine, na umabot sa mahigit P13-M ang kabuuang halaga ng naturang ilegal na droga.

“Party drugs ito, and some of the sources ng party drugs na ito ay ang bansa pong iyan, kaya madalas na po-profile namin ‘yan at nababantayan ng aming examiners at nata-tag otomatik ng aming X-ray risk managers para makita ang images,” saad ni Atty. Vincent Philip Maronilla, Assist. Commissioner & Spokesperson, BOC.

Ipinaliwanag ni Maronilla na ang kanilang X-ray pagdating sa paliparan, ay may tinatawag na material discrimination capability.

Ibig sabihin, kapag idinaan ang isang bagay o gamit sa X-ray na ginagamit ng BOC, nagkakaroon ng pag-iiba o determination kung anong klaseng produkto ito base sa kulay na lumalabas sa X-ray image.

“So nade-determine namin kung organic product iyan, o kung ang shape nyan, sa aming artificial intelligence network na aming…. system ay dati nang nakikita bilang possible image ng illegal drugs,” ayon kay Atty. Vincent Philip Maronilla, Assist. Commissioner & Spokesperson, BOC.

Maaaring maharap sa kaso ang consignee dahil sa paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (Republic Act 9165) at sa Customs Modernization and Tariff Act (Republic Act 10863).

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble