ITINALAGA ang Bohol Island bilang unang global geopark sa Pilipinas ng United Nations Educational, Scientific and Cultural Organization (UNESCO) sa ginanap na 216th UNESCO executive board session sa Paris, France, nitong Mayo 24, 2023.
Mahabang proseso ang pinagdaanan ng probinsiya ng Bohol upang makamit ang mithiin nito na maging isang global geopark.
Nagsimula ito noong 2013 nang ang isang grupo ng mga mananaliksik mula sa University of the Philippines (UP) School of Urban and Regional Planning ay nagsagawa ng field works sa mga potensiyal na geopark sa bansa at natukoy ang mga geological karst at limestone landform ng probinsiya bilang isang prospect.
Noong 2015, nakipagtulungan ang mga mananaliksik sa pamahalaang panlalawigan ng Bohol sa pamamagitan ng pagsasagawa ng pananaliksik, pakikipagtulungan, at mga workshop na naghahanda para sa pagtatalaga ng UNESCO na ginagabayan ng Philippine National Commission for UNESCO (UNACOM).
Naging isa ang Bohol sa 18 potensiyal na ‘bagong global geopark’ na hinirang noong 2022 para sa geological significance at scientific importance.
Sa isang programa ng Provincial Government of Bohol na ’The Capitol Reports’ ay ipinaliwanag ng geologist ng Bohol Environment Management Office (BEMO) na si Karl Michael Din, kung ano nga ba ang isang global geopark.
“Geopark is a UNESCO label, it is one of the designations ng UNESCO, kasama po dito ang world heritage sites, world bio reserves, at ito naman po which is a relatively young designation officially adopted in 2015, the UNESCO global geoparks.”
“A geopark is a geographical area where sites and landscapes of international geological significance are managed with a holistic bottom approach of combining conservation, education, research and sustainable development,” ayon kay Karl Michael Din, Geologist, BEMO.
Sa pamumuno ni Gov. Aris Aumentado, ang direksiyon mula noong 2022 sa global geopark campaign bilang ‘isang inclusive at multi-sectoral na plataporma’ na maaaring magamit ang posisyon ng Bohol bilang isang buhay na laboratoryo para sa sining, kultura, pamana sa bansa, at sa rehiyon na kumakatawan sa pinakamahusay at maipag-mamalaking probinsiya.
“So as a geopark, it perfectly aligned the vision and mission of province which aims to enrich the province’s social, economic cultural and environmental resources through good governance and effective partnerships with stakeholders for increased global competitiveness,” dagdag ni Karl Michael Din.
Ang hakbang na ito ay naaayon sa strategic change agenda ng pamahalaang panlalawigan na naglalayong gawing isang ‘smart province’ ang Bohol, pagpapanatili ng kapaligiran, at mga pagbabago tungo sa pandaigdigang kompetisyon.