Bomb expert sa Maguindanao sumuko sa mga sundalo

Bomb expert sa Maguindanao sumuko sa mga sundalo

ISANG kilalang bomb expert mula sa hanay ng local terrorist ang sumuko sa tropa ng 1st Brigade Combat Team sa ilalim ng 6th Infantry Division ng Philippine Army nitong Mayo 21 taong kasalukuyan sa bayan ng Pigcalagan, Sultan Kudarat, Maguindanao del Norte.

Ayon kay Brigadier General Jose Vladimir Cagara, Commander ng 1BCT, hindi muna ibinunyag ang pagkakakilanlan ng nasabing indibidwal para sa kaniyang seguridad.

Ngunit ayon pa sa 35-anyos na dating rebelde siya ay boluntaryong sumuko sa pamahalaan bunsod ng sunod-sunod at pinaigting na operasyon ng militar laban sa kanilang grupo.

Dagdag pa ng nasabing bomb expert, matinding hirap, gutom, at pagod aniya ang kanilang naranasan dulot ng mas pinaigting na kampanya ng gobyerno laban sa mga terorista na nagresulta ng pagtatago nila sa kabundukan at kagubatan.

Kasabay ng kaniyang pagbabalik-loob, isinuko rin ng dating bomb expert ang mga kagamitang pandigma na kinabibilangan ng isang Uzi 9mm submachine gun at isang 60mm improvised explosive device.

Pinuri naman ni Major General Donald Gumiran, Commander ng 6th Infantry Division at Joint Task Force Central, ang naging desisyon ng dating rebelde.

Aniya ang pagsuko ng isang bomb expert ay isang malaking tagumpay para sa tropa ng mga sundalo kontra terorismo dahil sa pamamagitan nito maraming buhay ang hindi madadamay.

“Ang pagbabalik-loob ng isang bihasang bomb expert ay isang malaking tagumpay sa ating kampanya kontra terorismo. Sa halip na maghasik ng karahasan, mas pinili niyang tahakin ang landas ng kapayapaan,” ayon kay MGen. Ronald Gumiran, Commander, 6th Infantry Division, PA.

Binigyang-diin din ng opisyal na ang pagsuko ng isang dating rebelde ay patunay na hindi pa huli ang lahat para magbagong buhay.

“Ito ay patunay na hindi pa huli ang lahat para sa sinuman na nagnanais ng pagbabago at bagong simula,” ani Gumiran.

Aniya, magsilbi sana itong inspirasyon sa iba pang natitirang miyembro ng armadong grupo, kasabay ang pangako na hindi sila magsasawang tanggapin ang mga kababayan nating naligaw ng landas.

“Nawa’y magsilbing inspirasyon ito sa iba pang naliligaw ng landas na may lugar pa rin para sa kanila sa ating lipunan. Kami ay naninindigan na ang pamahalaan ay laging handang tumanggap ng sinumang nagnanais magbagong-buhay para sa ikabubuti ng ating bayan,” aniya.

Patuloy na nanawagan ang 6ID at JTF-Central sa mga natitirang kasapi ng armadong grupo na isuko ang kanilang armas at tanggapin ang programang reintegrasyon ng pamahalaan para sa isang mapayapa at maunlad na kinabukasan.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble