ISA ang Metro Manila sa pinakamataong lugar sa bansa.
Bukod sa mga paaralan, dito rin makikita ang malalaking establisyemento at gusali para sa mga manggagawang Pinoy.
Kaakibat dito ang mataas na banta ng kriminalidad.
Sa unang pagkakataon, personal na binisita ng pamunuan ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga pangunahing istasyon ng tren sa Maynila para tiyakin ang presensiya ng pulisya.
“We are there to increase the security personnel para makatulong din sa security ng MRT/LRT lalo na pagpasok sa mga stations kasi we have 45 stations,” ayon kay PMGen. Jose Melencio Nartates Jr., Regional Director, NCRPO.
Ayon sa impormasyon, hindi nawawalan ng kaso ng hold-up, pagnanakaw, physical injury, at maging rape na nangyayari sa mga istasyon ng tren lalo na sa mga rush hour.
Batay sa datos ng NCRPO, pagpapakalat ng maling impormasyon lalo na ang bomb joke ang nanguna sa listahan ng krimen na naitatala sa mga MRT/LRT stations mula noong 2023 ngunit bumaba naman ito kumpara ngayong taon.
“From last year about 6 bomb threats specifically nanggaling sa Japanese name na nagsend thru email sa lahat ng government officers particularly vital installations sa MRT/LRT stations, lahat ‘yan nag-check tayo and itong taong ito it turned out na hoaxed,” ani Nartates.
Noong nakaraang taon, nanguna ang MRT Cubao station sa may pinakamataas na kaso ng pagnanakaw, sinundan ng MRT GMA Kamuning at MRT Guadalupe station ngunit bumaba ito ngayon sa kung saan may 6 na insidente na nakawan sa MRT Boni station habang 2 naman sa GMA Kamuning.
Mula rito, nagdagdag sila ng K-9 units at personnel sa mga istasyon para maiwasang masalisihan ng mga masasamang loob
Sa katunayan, nasa mahigit 800 personnel ang magpapalitan ng puwesto sa mga train station.
Umaasa ang Philippine National Police (PNP) na malaki ang maitutulong ng kanilang presensiya lalo pa’t hindi nawawala sa listahan ng ilang international survey firms ang Maynila bilang pinaka-delikadong lugar sa buong mundo pagdating sa seguridad, pamumuhunan, at turismo.