Bong Go pinalakas ang pagtutulungan sa barangay leaders ng Pangasinan

Bong Go pinalakas ang pagtutulungan sa barangay leaders ng Pangasinan

PINALAKAS ni Sen. Christopher “Bong” Go, isang adoptadong anak ng Pangasinan, ang kaniyang ugnayan sa mga barangay leader ng San Carlos City at Mangaldan, Pangasinan sa pamamagitan ng isang video message sa Liga ng mga Barangay assembly noong Biyernes, Marso 22 sa Baguio City.

Ipinahayag niya ang kaniyang matibay na pangako sa pagpapalakas ng barangay officials at pagpapabuti ng serbisyo publiko sa antas ng komunidad.

Si Go, na naghahangad ng muling pagtakbo sa Senado sa 2025 elections, ay binigyang-diin ang mahalagang papel ng barangay leaders sa pagpapaunlad ng komunidad.

Kinilala niya ang kanilang kontribusyon sa mas matatag at responsableng lokal na pamamahala at tinawag silang “mga superstar” sa kanilang sariling paraan—na pinagkakatiwalaan ng taumbayan upang pamunuan ang kanilang barangay patungo sa tunay na pag-unlad.

“Ang ganitong pagtitipon ay mahalaga hindi lamang para sa ating mga barangay leaders kundi pati na rin para sa pagpapalakas ng ating mga komunidad,” ani Sen. Bong Go.

Hinimok niya ang mga barangay leader na ipagpatuloy ang kanilang pagsisikap para sa mas maayos na pamamahala at tiniyak ang kanyang patuloy na suporta, lalo na kung bibigyan siya muli ng mandato sa Senado.

“Mula pa noong ako ay naglilingkod kasama si dating Pangulong Rodrigo Duterte, natutunan ko na ang tunay na kahulugan ng paglilingkod ay ang paggawa ng tama, anuman ang sitwasyon. Ang kanyang bilin na ‘always do what is right’ ay palaging umuukit sa aking puso at isipan sa tuwing ako ay nagseserbisyo para sa bayan,” ibinahagi niya.

Ang pagtitipon sa UTown Plaza ay dinaluhan ng 500 barangay leaders, lokal na opisyal, at mga kinatawan ng komunidad upang talakayin ang mga estratehiya para sa pagpapabuti ng lokal na pamamahala. Pinuri ni Go ang pagsisikap ng mga barangay official sa Pangasinan at pinasalamatan ang lokal na pamahalaan sa patuloy nitong suporta sa mga grassroots initiative.

“Sa inyong pagtitipon ngayon, nakikita ko ang iba’t ibang mukha ng dedikasyon at malasakit—ang mga barangay officials na tunay na nagpapahalaga sa kagalingan ng kanilang mga kabarangay. Sa bawat desisyon at aksyon, palagi ninyong isinasaalang-alang ang kapakanan ng bawat isa. Tunay nga na ang serbisyo sa inyong barangay at serbisyo sa tao ay serbisyo rin sa Diyos,” saad ni Go.

Bilang miyembro ng Senate Committee on Local Government, iginiit ni Go ang kahalagahan ng pagbibigay ng sapat na pondo, kagamitan, at pagsasanay sa mga barangay official. Ibinida niya ang mga panukalang batas na kanyang sinuportahan upang mapabuti ang kapakanan ng mga barangay at health workers.

Kabilang dito ang Republic Act No. 11462, na kanyang co-sponsored at isa siya sa mga may-akda, na nagpaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections upang bigyan ng mas mahabang panahon ang barangay officials na maipatupad ang kanilang mga programa.

Ipinanukala rin ni Go ang Senate Bill No. 197 o Magna Carta for Barangays, na naglalayong bigyan ang barangay officials ng benepisyo na katulad ng regular na kawani ng gobyerno, kabilang ang honoraria, insurance, at retirement benefits kung maisasabatas.

Bilang bahagi ng kanyang adbokasiya sa pampublikong kalusugan, isinulong din ni Go ang SBN 427, o Barangay Health Workers Compensation Act, na layong mabigyan ng makatarungang kompensasyon at karagdagang benepisyo ang barangay health workers.

Bukod pa rito, isa rin siya sa mga may-akda at co-sponsor ng SBN 2838, o Magna Carta of Barangay Health Workers (BHWs), na naaprubahan sa ikatlo at huling pagbasa ng Senado noong Pebrero 3.

“Tulad ng lagi kong paalala, minsan lang tayo dadaan sa mundong ito. Kung ano pong kabutihan o tulong na pwede nating gawin sa ating kapwa ay gawin na natin ngayon dahil hindi na tayo babalik sa mundong ito,” aniya.

“Ako, bilang inyong Senator Kuya Bong Go, ay patuloy na magseserbisyo sa inyong lahat dahil bisyo ko na ang magserbisyo at ako po ay naniniwala na ang serbisyo sa tao ay serbisyo po yan sa Diyos,” dagdag niya, bilang pagsisigurong patuloy niyang ipaglalaban ang kapakanan ng barangay leaders at ng sambayanang Pilipino.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble