SA kaniyang pagbisita sa Dumaguete City, ipinahayag ni Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr. ang kaniyang pangako na magsusulong ng mga polisiya para sa matatag na trabaho at disenteng sahod.
Ayon kay Revilla, bahagi ito ng kaniyang platformang Aksyon sa Tunay na Buhay, na nakatuon sa trabaho, pagkain sa bawat hapag, at sapat na suporta sa mga nangangailangan.
“Ang disenteng hanapbuhay ay hindi lang tungkol sa trabaho—ito ay tungkol sa dignidad ng bawat manggagawang Pilipino. Sisiguraduhin nating hindi lang sapat kundi marangal ang kita ng bawat pamilya,” ayon kay Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr.
Isinusulong ni Revilla ang legislated wage increase, job security, at suporta sa micro, small, at medium enterprises (MSMEs) bilang pundasyon ng ekonomiya.
Matagal na niyang isinusulong ang taas-sahod, kabilang ang P150 across-the-board wage hike na inaasahang maisasabatas bago matapos ang Kongreso sa Hunyo.
“Tuloy ang laban para sa disenteng hanapbuhay—dahil ang progreso ay magsisimula kapag may matatag at marangal na kita ang bawat Pilipino,” aniya.
Bukod sa wage hike, binibigyang-diin din ni Revilla ang pagpapalakas ng workforce sa pamamagitan ng edukasyon, technical-vocational training, at job matching programs.
Naniniwala siyang ang mga konkretong aksyon na ito ang magbibigay ng tunay na solusyon sa mga hamon sa hanapbuhay, lalo na sa mga lugar tulad ng Dumaguete.