Bong Revilla nagbigay ng paalala sa mga kababayan ngayong Semana Santa

Bong Revilla nagbigay ng paalala sa mga kababayan ngayong Semana Santa

NAGPAALALA si Senador Ramon Bong Revilla Jr. nitong Martes (Abril 15) hinggil sa paggunita ng Semana Santa kasabay ng babala sa ating mga kababayan na mag-ingat sa mga maaaring aberya na karaniwang nagaganap sa ganitong panahon.

Una sa pinaalalahanan ng batikang lingkod-bayan ang mga kababayan nating nais na mag-out of town para magbakasyon at ang mga Katoliko naman na mangingilin sa loob ngayong linggo.

Ayon sa datos ng Philippine National Police (PNP), kadalasang nagkakaroon ng matitinding vehicular accident sa panahon ng Semana Santa dahil sa dami ng mga naglalakbay.

Kaya’t ayon kay Bong Revilla, sa mga kababayan umano nating hindi mapipigilang bumiyahe ay paghandaang mabuti ang gagawing paglakbay.

Unang-una ay tiyaking nasa kondisyon ang kalagayan ng sasakyan at maging ang magmamaneho upang makasiguro na hindi magkakaroon ng aberya sa lansangan.

Inspeksyonin din dapat mabuti kung may sapat na hangin ang reserbang gulong at tingnan kung kumpleto ang brake fluid. Huwag kakalimutan ang mga tools ng sasakyan partikular na ang early warning device upang hindi mahirapan sakaling magkaroon ng aberya.

Tiyaking may baong tubig, sapat na pagkain at gamot upang hindi na maghagilap sa panahon ng pangangailangan.

Higit sa lahat ay tiyaking ayos ang kalagayan ng bahay bago tuluyang umalis – kabilang na ang mga appliances na dapat ay masigurong nabunot ng maayos upang makaiwas sa sunog.

Tiyakin ding nakakandado ng maayos ang mga tahanan at mag-iwan ng ilang nakasinding ilaw upang akalaing may tao sa loob at makaiwas sa mga magnanakaw na karaniwang sumasalakay sa panahon ng Semana Santa.

Mataas din ang datos ng PNP hinggil sa mga pinapasok na bahay at nilolooban sa panahon ng Semana Santa.

“Maging mapagmatyag tayo sa panahong ito na sa kabila ng tumutupad sa tawag ng pananampalataya ang marami nating kababayan at sinasamantala naman ng ilang masasamang loob. Kaya kailangan ng ibayong pag-iingat,” ani ng senador. “Mabuting huwag nang ianunsyo lalo na sa social media na walang matitirang tao sa tahanan.”

Idinagdag pa ni Bong Revilla na sa mismong Huwebes Santo ay mas dumadami pa ang bumabyahe kaya mas kinakailangan pa ng dobleng pag-iingat hindi lamang sa biyahe kundi sa labis na init na posibleng magdulot heat stroke.

Maging ang PAGASA at DOH ay regular na nagpapaalala hinggil sa labis na init ng panahon kaya dapat talagang maghanda ang lahat.

Samantala, sinabi rin ni Sen. Bong Revilla na bagamat tumatakbo siyang senador ay saglit siyang magpapahinga sa kampanya upang bigyang daan ang kaniyang paggunita sa Semana Santa at para makapagbigay respeto sa mga kababayan nating gingugunita ng panahong ito.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter