TINATAYANG umabot na sa 30,000 ang bilang ng mga turista sa Isla ng Boracay ngayong Biyernes Santo, ayon sa pinakahuling ulat ngayong araw.
Kaugnay nito, mahigpit na ipinatutupad ng Coast Guard District Western Visayas (CGDWV) ang kanilang mga seaborne patrol sa kahabaan ng baybayin ng isla upang matiyak ang kaligtasan ng mga bisita, maiwasan ang anumang insidente sa dagat, at mapanatili ang kaayusan lalo na ngayong peak season ng Semana Santa.
Patuloy ang koordinasyon ng Philippine Coast Guard (PCG) sa mga lokal na awtoridad at resort operators upang masiguro ang mabilis na tugon sa anumang emergency at mapanatiling ligtas at masaya ang karanasan ng mga turista.
Inaasahang mas dadagsa pa ang mga bisita sa darating na weekend habang papatapos na ang Mahal na Araw. Sa kabila nito, nananatiling alerto at handa ang PCG upang tugunan ang anumang pangangailangan sa seguridad sa dagat.