Boto na tutol sa paghati ng Palawan sa 3 probinsiya, 42K ang lamang

NANATILING lamang ang boto ng mga tutol sa paghati ng Palawan sa tatlong probinsiya sa isinagawang Palawan Plebiscite noong Marso 13.

Lamang sa 42,065 ang bumoto sa tutol na ihati ang Palawan matapos mabilang ng Palawan Plebiscite Board of Canvassers (PPBOC) ang 18 na munisipyo.

Ayon sa Commission on Election (Comelec), hanggang 10:40 ng gabi ng Marso 15, nasa 18 na munisipyo ang natanggap at nabilang ng PPBOC.

Naitalang nasa 158,501 ang bilang ng nagboto ng “No” mas mataas mula sa bumoto ng “Yes” na may 116,436 bilang official partial results ng Palawan Plebiscite.

Muling magtitipon ang PPBOC mamayang alas 2:00 p.m. ngayong araw para bilangin ang natitirang mga munisipyo.

Samantala, tanggap na ni Palawan Governor Jose Alvarez ang pagkatalo sa resulta ng Palawan plebiscite.

Aniya, hindi ang pamahalaang panlalawigan ang natalo kundi ang sambayang Palaweño.

“Ang batas na ito ay para sa kanila ngunit hindi tinanggap,” ayon kay Alvarez na tinukoy ang Republic Act No. 11259.

Sinabi ni Alvarez na ang nasabing batas ay layuning mapabilis ang pagbigay ng mga serbisyo mula sa gobyerno lalo na sa mga malalayo at nakahiwalay na mga lugar sa Palawan.

SMNI NEWS