Bouquet na may sangkalan, manicure set, at iba pang praktikal na gamit, patok sa Valentine’s Day

Bouquet na may sangkalan, manicure set, at iba pang praktikal na gamit, patok sa Valentine’s Day

MANICURE set, at iba pang praktikal na gamit at bouquet na may sangkalan patok sa Valentine’s Day.

Sa hirap nga naman daw ng panahon ngayon dahil sa pagmahal ng mga bilihin at serbisyo, kinakailangan na ngang maging praktikal ni Juan dela Cruz.

At ngayong Araw ng mga Puso, may iilan na nagiging praktikal na rin sa pagbibigay ng regalo.

Sa Dangwa Flower Market sa Maynila, isang stall ang gumagawa ng mga kakaibang bouquet na patok ngayong Valentine’s Day.

Hindi lamang basta mga bulaklak ang laman nito, tulad na lamang ng ginagawa ni Aling Babe na mayroong mga gamit panluto tulad ng sangkalan at sandok.

Mayroon ding mga palumpon ng kutsara, tinidor, at tasa.

Para sa mga mahilig magkape, mayroon ding bouquet na may instant coffee, creamer, baso, at kutsara. Mainit na tubig na lang ang kulang.

At tiyak na mapapalinis ka rin ng kuko sa bouquet na may manicure at pedicure set.

Sa halagang P300, maaari niyo na itong iregalo sa inyong mga mahal sa buhay.

“Yes! Practical tayo ngayong panahon kasi mahirap ang buhay di ba? At tsaka ‘yung mga bigay sa inyo ng mga minamahal niyo ngayong Valentine’s Day, may mapapakinabangan. Hindi ‘yung malalanta na lang ng basta-basta o mababalewala,” ayon kay Monica ‘Mama Babes’ Castro, Nagtitinda ng Bulaklak.

At nagtanong-tanong tayo na kung sakaling mabibigyan ng mga bouquet na ito, tatanggapin kaya nila?

“Oo naman po. Lalo na ngayon na independent living kami. So kakailanganin talaga namin ito. Nakakatuwa. So syempre may bulaklak ka pa, may gamit ka pa,” ayon kay Camille Esguerra.

“May mga gamit na hindi ko na kailangang bumili,” ayon kay Erika Tugon.

Gulay Bouquet at Egg Basket, mabibili sa Kadiwa Store

Sa Kadiwa Store ng Department of Agriculture, mabibili rin ang gulay bouquet at egg basket ngayong Valentine’s Day.

Naglalaro lamang sa P80-P100 ang gulay bouquet habang nasa P350 naman ang egg basket.

“Mahal ngayon ang bulaklak di ba? Siguro mas matutuwa mga misis, mga girlfriend kung mabibigyan ng something practical,” wika ni Asec. Arnel de Mesa, Department of Agriculture.

Sa panahon ngayon, madalas nating makalimutan na ang tunay na halaga ng pagmamahal ay hindi nasusukat sa halaga ng regalo ngayong Araw ng mga Puso.

Ang simpleng yakap, ngiti, at oras na inilaan para sa iyong mahal sa buhay ang tunay na nagpapakita ng halaga ng pag-ibig.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble