HINDI pabor ang ilang rice retailer at mamimili sa plano ng Department of Agriculture (DA) na alisin ang ‘branding’ o ‘label’ sa mga imported na bigas na ibinebenta sa merkado.
May pagkapihikan pagdating sa kalidad ng bigas si Aling Jenny kapag namimili ito sa palengke na pang-konsumo nilang mag-anak.
Hindi aniya kasi porke’t mura o mahal ay agad na siyang bibili—una ay tinitingnan muna niya ang kulay nito kung maputi o naninilaw ba pati na rin ang lambot ng bigas kung hinahawakan.
Mahalaga para sa kaniya na may ‘brand’ o ‘label’ ang bigas na kaniyang bibilhin.
“Ang iba ay matitigas kahit special kaya denurado lang talaga ang gusto ko.”
“Minsan may denurado na hindi naman masarap baka hinalo na lang nila. Kaya, ang alam ko lang talaga na hindi bale mahal basta masarap,” ayon kay Jenny Loterte, Mamimi.
Ngunit, ano na lamang ang mangyayari kung ang ‘branding’ o ‘label’ ng mga imported na bigas na binibenta sa mga pamilihan at siyang basehan ng mga konsyumer ay posibleng mawala?
Kamakailan kasi ay personal na nadiskubre ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na may isang brand ng bigas na sobra-sobra ang patong sa presyo na umabot sa higit P60/kg.
Sabi ng kalihim, maituturing aniya na may ginagawang profiteering ang isang brand ng imported na bigas na bigo niyang pangalanan.
Dapat aniya kasi ay nasa P47-P49 lang ang presyuhan nito dahil nasa P42 lamang ang landed costs.
Dahil diyan, nitong Biyernes ay nakipagpulong ang mga opisyal ng ahensiya sa ilang stakeholders para isapinal ang guidelines sa planong ito.
“Hindi naman ‘yung mismong brand per se kung hindi magkaroon lang ng clarification na ito ay nabibilang sila sa mga ganitong categorization. So, again magkakaroon ‘yan ng mga announcement para hindi malito ‘yung mga tao,” wika ni Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.
Pero ang plano niyan ng ahensiya ay pinalagan ng mga rice retailer at mamimili.
“Kasi nung nakaraan ay hirap na nga akong hanapin—tapos ngayon walang nakalagay,” wika ni Grace Gunito, Mamimili.
“Mahihirapan na pumili, kasi ‘yung mga bigas ngayon ay matitigas tapos hirap isaing malambot pa minsan ay matigas,” wika ni Grace Gunito, Mamimili.
“Hindi ako pabor sa sistemang ‘yan ‘yun nga ating, doon nga lang sa ating damit kung walang branding ay hindi na maligalig ‘yan sa bigas pa kaya kapag ginawa ‘yan sa bigas ay talagang mahihirapan ka,” ayon kay Javier Villanueva, Rice Retailer.
FFF: Hindi dapat mga rice retailer ang pinupuna ng DA kundi ang mga importer, wholesaler at middlemen na nagmamanipula sa presyo
Ang hinaing ng mga rice retailer at mamimili ay suportado ng grupong Federation of Free Farmer (FFF).
Giit ng FFF, kalituhan lang ang idudulot ng plano ng gobyerno.
Sabi ni Raul Montemayor, National Chairman ng grupo, hindi dapat ang mga retailer at mamimili ang piniperwisyo ng ahensiya.
“Dapat nilang pag-aralan muna ng DA huwag ‘yung pabigla-bigla na retailer kaagad ‘yung tinutuligsa nila at tsaka hindi naman doon ang problema. In fact, when I look at the data of the Philippine Statistics Authority, lumalabas na ang malaking margin ngayon ay ‘yung importer at wholesaler not the retailer. So, kailangan siguruhin muna ng DA saan ‘yung may problema,” wika ni Raul Montemayor, National Chairman, FFF.
Bukod, aniya, sa kalituhan, marami ring mga mamimili ang magagalit dahil sa gagawing hakbang na hindi man lang tinitingnan ang pangkalahatang epekto.
Giit ng FFF, unahin muna ng DA na sugpuin ang mga importer, wholesaler at middlemen na nagmamanipula sa presyo ng bigas sa merkado.
Pero, sabi naman ng DA, magsasagawa ng review ang ahensiya para matukoy ang lahat ng posibleng nagmamanipula sa presyo.
Hindi pa masabi ng DA ang inisyal na hakbang pero posible na anila itong ilabas at maipatupad sa mga susunod na araw.
Ngunit, kung ang FFF naman ang tatanungin ang hakbang nga anila ng DA sa pagbaba ng taripa ng imported na bigas ay hindi nga nakatulong na maibaba ang presyo—ito na namang pag-alis ng branding o label ang posibleng magiging pasanin ng mga retailer at konsyumer.