SA pinakaunang pagkakataon, pumalo sa 4,195 ang naitalang bagong namatay sa COVID-19 sa estado ng Amazona, Brazil.
Ang naitalang kaso ay nagdulot ng pagdami ng mga pasyente na nag-aagaw buhay sa mga ospital na ikinabahala ng mga lugar sa bansa at isa na rito ang Manaus na isa sa pinakamalaking syudad sa rehiyon ng Amazon.
Ikinababahala rin ang tinatawag na P. 1 o ‘Brazil variant’ na isa sa dahilan ng pagbilis na pagkalat ng virus at pagkasawi ng maraming buhay.
Lumitaw sa estado ng Amazonas noong Nobyembre 2020 na mabilis ang naturang variant na kumalat sa kabisera ng estado ng Manaus, kung saan umabot ito ng 73% na mga kaso hanggang Enero 2021, ayon sa mga bilang na sinuri ng mga mananaliksik sa Brazil.
Kaugnay nito ikinabahala ng mga eksperto ang paglaganap ng ‘Brazil variant’ na nangangahulugang pagdaragdag ng mga kaso sa loob ng marami pang buwan.
Ang variant na ito ay umabot na rin sa mga karatig bansa sa Timog Amerika.
Dahil dito, nasa 337,000 na ang kabuuang bilang ng mga nasawi sa bansa at 13 million na kaso ng coronavirus, ayon sa health ministry.
Karamihan sa mga lugar ng bansa ay nagkakaubusan na ng oxygen at pampakalma. Sa kabila nito, hindi pa rin nagpatutupad ng lockdown ang presidente ng Brazil na si President Jair Bolsonaro.
Ayon kay Bolsonaro, mas lalala pa ang lagay ng ekonomiya ng bansa kung mag-iimplementa pa ng lockdown. Wala namang naging pahayag si Bolsonaro sa naitalang bilang ng mga nasawi sa bansa dulot ng COVID-19.