KINASUHAN na ng murder ang brgy. tanod sa Tayuman St. Barangay 156 sa Tondo na si Cesar Panlaqui matapos barilin ang curfew violator na may problema sa pag-iisip.
Ito ang kinumpirma ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Undersecretary Martin Diño sa panayam ng Sonshine Radio.
Bukod pa rito, sinabi ni Usec. Diño na una nang inutos ng DILG at ng kapulisan na dapat ipairal ang maximum tolerance sa mga violator.
Sa ngayon, pinaiimbestigahan din ang kapitan ng barangay kung may alam ito sa baril ng kanilang tanod.
Malalimang imbestigasyon sa pagbaril ng barangay tanod sa isang lalaki sa Maynila, tiniyak ng PNP
Ipinag-utos ni PNP Chief Police General Guillermo Eleazar ang malalimang imbestigasyon sa pagbaril ng barangay tanod sa isang lalaki sa maynila.
Sa inisyal na imbestigasyon, binaril ng suspek na si Cesar Panlaqui ang biktima na si Eduardo Geñoga na umano’y nag-iingay sa oras ng curfew.
Ayon kay Eleazar, nasa kustodiya na ng Manila Police District (MPD) at naghahanda na rin ng mga karampatang kaso ang kapulisan upang mapanagot ang brgy. tanod.
Kasama aniya sa iimbestigahan ay kung bakit may baril ang barangay tanod at kung ito ba ay rehistrado.
Sakaling lumabas sa imbestigasyon na hindi rehistrado ang baril na nakumpiska kay Panlaqui ay mahaharap pa ito sa karagdagang kasong illegal possession of firearms.