Brigada Eskwela, opisyal nang nagsimula sa pangunguna ni VP Sara

Brigada Eskwela, opisyal nang nagsimula sa pangunguna ni VP Sara

OPISYAL nang nagsimula ang taunang Brigada Eskwela ngayong araw.

Sa Imus Pilot Elementary School, pinangunahan ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang kick-off ng 2022 National Brigada Eskwela.

“Excitement — because Brigada Eskwela activities all over the country always highlight the communal efforts of all education stakeholders to prepare our schools for our learners. We would see parents who are excited, willing, and happy to extend any help they could to ensure that our schools are ready to receive our learners from Day 1 of the opening of classes and onwards to the school year,” pahayag ni VP Sara.

Ayon kay Education Undersecretary Gerard Chan, papayagan na ngayong taon ang paglilinis at pagkukumpuni ng mga silid-aralan matapos itong ipagbawal noong 2020 at 2021.

Inaasahan na mas dadami ngayong taon ang mga volunteers na lalahok sa Brigada Eskwela kumpara sa naitalang 1,815 noong 2021.

Paliwanag naman ni Atty. Michael Poa, spokesperson ng Department of Education (DepEd), mahalaga ang  Brigada Eskwela lalo na sa mga eskwelahan na apektado ng lindol.

Ayon kay Poa, nangangailangan ng P1.4 billion para sa pagpapaayos ng mga paaralang nasira ng lindol sa Abra at karatig lalawigan.

Dagdag ni Poa, pag-uusapan pa kung itutuloy ba ang pagbubukas ng klase sa mga paaralang apektado ng lindol.

Samantala, ang ibang paaralan sa Maynila, tulad ng Hermenegildo J. Atienza  sa Elementary School balak isagawa ang Brigada Eswela sa susunod na linggo.

Sa ngayon ay patuloy pa ang pakikipag-ugnayan ng paaralan sa mga organisasyon, at may katungkulan para makiisa sa pagsasaayos ng kanilang paaralan.

Sa Senator Benigno S. Aquino Jr. Elementary School naman, maliban sa paghahanda nila sa Brigada Eskwela ay hinanda rin nila ang school supplies na libreng ipamimigay ng paaralan.

Libreng notebooks, papel, bag at uniforms ang matatanggap ng kanilang mga estudyante sa lahat ng grade level.

Plano rin ng paaralan na gumawa ng makeshift rooms ng mga bata sakaling kukulangin  ng mga silid-aralan.

Tatagal hanggang Agosto 26 ang Brigada Eskwela.

 

Samantala, patuloy naman sa ngayon ang enrollment para sa darating na school year.

Ayon kay Atty. Poa umabot nasa 11,663,325 ang nakapag-enroll ngayong taon.

 

Follow SMNI News on Twitter