BRP Antonio Luna (FFI51), parating na sa Subic mula South Korea

PARATING na sa Pilipinas ang bagong gawang missile frigate na FF151 o BRP Antonio Luna matapos isinagawa ang send-off ceremony sa South Korea ngayong araw, Pebrero 5.

Ito na ang pangalawang missile-capable frigate ng Philippine Navy (PN) kung saan una nang dumating sa bansa at nakomisyon noong Hulyo 2020 ang BRP Jose Rizal (FFI50).

Ang pagbili ng dalawang frigate ay bahagi ng modernization program ng pamahalaan sa ilalim ng Horizon 2 ng Revised Armed Forces of the Philippines (AFP) Modernization Program sa pamamagitan ng kontrata ng Hundai Heavy Industries (HHI) na nilagdaan ni Defense Secretary Delfin Lorenzana at Mr. Kisun Chung, Vice President at may-ari ng HHI noong 2016.

Kapwa frigate ay may taglay na Surface to Surface Missile, Surface to Air Missile, Torpedo Launchers at weapon systems para sa four-dimensional warfare nito, may kakayanang makipagsagupaan sa air, surface at sub-surface threats.

Dahil dito ay mas lalong mapabuti ang kakayahan ng AFP upang protektahan ang malawak na teritoryo sa maritime ng bansa.

Inaasahan namang dumating sa bansa ang BRP Antonio Luna (FFI51) ngayong Pebrero 10, 2021.

SMNI NEWS