Brutal na pag-atake sa isang Pinay sa New York, umani ng pakabalisa

UMANI ng pagkabalisa ang isang video ng brutal na pag-atake ng lalaki sa isang Pinay sa New York City, U.S.A.

Nangyari ang pag-atake sa harap ng 360 West 43rd Street, isang luxury apartment building sa Manhanttan na pagmamay-ari ng Brodsky Organization.

Ipinakita sa isang security camera ang naglalakad na 65-taong Filipino immigrant nang bigla itong atakehin ng isang lalaki.

Tinadyakan ang biktima ng ilang beses sa sikmura at sa mukha habang sinigawan ito ng bastos na pananalita.


Ayon sa isang opisyal na pulis, sinabi ng lalaki sa biktima, “You don’t belong here.”

Habang nangyari ang nasabing karahasan, tatlong lalaki ang nanood mula sa lobby ng nasabing apartment. Isinara ang pinto ng isa sa mga ito habang nahirapang tumindig ang biktima mula sa pag-atake.

Suspendido naman ang tatlong empleyado na saksi sa pangyayari dahil sa kawalan ng aksyon mula sa mga ito nang mangyari ang krimen at nahaharap ang mga ito sa imbestigasyon.

“Like so many, we were disturbed when watching the video and witnessing what appears to be a lack of action and empathy on the part of the lobby staff and delivery person in the video,” ayon sa Brodsky company.

Ayon naman sa residente ng nasabing gusali na si Devin Setyawan, kapag may nakitang sinuman na malinaw na nangangailangan ng tulong, bilang isang tao, ang likas na gawin ay hindi dapat isara ang pintuan.

Kinilala naman ang biktima na si Vilma Kari na kasalukuyang nagpapagamot sa tinamong pinsala mula sa pag-atake.

Nakuha ng mga otoridad ang larawan ng suspek sa pag-atake at kasalukuyan pang pinaghahanap.

(BASAHIN: Mga Pilipino sa Amerika, pinayuhang mag-ingat mula sa mga pag-atake laban sa Asian-Americans)

Posibleng makaimpluwensya sa foreign policy ng bansa

Samantala, posibleng maka-impluwensya sa foreign policy ng bansa ang pananakit sa isang Pilipina sa New York sa Amerika noong Lunes.

Ito ang naging reaksyon ni Foreign Affairs Secretary Teddy Boy Locsin matapos ang pag-atake ng isang lalaki sa 65-anyos na Pinay at nagbitaw ng ‘anti-Asian” statements.

Ayon kay Locsin, ang mga ganitong racial brutality o pananakit sa mga Pilipino ay sineseryoso ng pamahalaan.

Hindi naman nilinaw ng kalihim kung paano makaaapekto ito sa foreign policy ng bansa.

SMNI NEWS