MASAYA ang first time voters, senior citizens, at persons with disabilities (PWDs) sa naging karanasan nila sa pagboto sa SM North EDSA dahil sa maayos at komportableng pagboto.
Bakas sa mukha ang kasiyahan sa magkaibigang sina Vincent at Richard dahil sa naging karanasan nila ngayong Barangay and Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) 2023 bilang mga first time voter.
Ilan lamang sila sa mga botanteng nagpahayag ng kanilang kasiyahan dahil sa magandang takbo ng botohan sa SM North EDSA ngayong araw.
Anila, maliban sa mga aktibong Parish Pastoral Council for Responsible Voting (PPCRV) at watchers, nakatulong din ang lamig sa loob ng skydome sa SM North EDSA kaya naman masarap sa pakiramdam ang kanilang naging pagboto.
Ayon naman sa Voters’ Assistance Desk, wala namang naging mga malaking problema ang mga botanteng nagpunta sa mall maliban na lamang sa iilan na hindi nakalista sa nasabing mall.
Tinatayang nasa mahigit 4,000 ang botante sa Brgy. Alicia, Quezon City 1st District ang nakatakdang bumoto ngayong araw at hinati ang mga ito sa dalawang voting areas— ang SM City North EDSA at Sto. Cristo Elementary School.
Kaya naman ang mangilan-ngilan na mali ang napuntahang presinto ang hindi naiwasang maglabas ng kanilang hinaing dahil sila lamang ang nahiwalay sa kanilang pamilya o grupo.
Pero maliban sa mga ganitong kaso ay wala nang iba pang komento ang mga botante ukol dito.
Isa ang SM City North EDSA sa mga mall na pinagdarausan ng pilot testing ng mall voting ngayong BSKE.