BuCor gagamit ng mga makabagong teknolohiya para bantayan ang Bilibid

BuCor gagamit ng mga makabagong teknolohiya para bantayan ang Bilibid

MAS gusto ni Bureau of Corrections (BuCor) OIC Gregorio Catapang na gumamit ng makabagong teknolohiya para mamonitor ang mga aktibidad sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).

Ilan sa mga ito ay X-ray machines at scanner, drone na gagamitin sa pagpapatrolya at facial recognition para sa mga inmate.

Maliban dito, mayroong idedeploy na mga K9 Units.

Sa Gate 4 daw ng Bilibid partikular na ilalagay ang mga teknolohiyang ito dahil dito ipinapapasok ang mga gamit at pagkain.

Sa ilalim ng pamumuno ni Catapang, battlecry nito na bawal ang magpabaya sa trabaho at ang kumurap.

Samantala, sinabi naman ng BuCor na mayroon na silang listahan ng mga personnel na nasa likod ng pagpapasok ng mga kontrabando pero hindi pa raw nila pwedeng ilabas ang mga pangalan ng mga ito.

Kamakailan kasi nasa mahigit pitong libong mga lata ng beer, cellphones baril, at drugs ang mga nakumpiska ng BuCor.

Ang 15 personnel na dawit umano rito ay taga BJMP at BuCor.

Maliban diyan, mayroon daw kahina-hinalang tunnel na nadiskubre ang BuCor at hinihintay na lang nila ang sagot ng DENR para sa teorya kung bakit kailangang gumawa ng tunnel na parang kweba ang nakaraang administrasyon.

Sinabi pa ni Catapang, marami pa silang mga pasabog dahil sa mga nadiskubre nila sa BuCor pero hindi pa anila ito sasabihin sa ngayon.

Ayon naman sa kampo ni Bantag, hahayaaan daw nilang isiwalat ang diumano’y mga nadiskubre pa ni Catapang pero hirit nito mas mainam na kanila itong idokumento.

“Ilabas lang muna nila. Ilabas nila bago makapagkomento kami, maganda rin idokumento nila. Sa media kasi nila nilalabas, dapat i-document na nila para masagot once and for all kung anong mga yan,” ayon kay Atty. Rocky Thomas Balisong, Legal Counsel ni DG Gerald Bantag.

Follow SMNI NEWS in Twitter