TINIYAK ng Bureau of Corrections (BuCor) na hindi nila kukunsintihin na makapaglabas-pasok sa kulungan ang dating mga detainees sa National Bureau of Investigation (NBI) na inilipat sa kustodiya ng BuCor.
Nauna rito ay nadiskubre na lumabas sa NBI detention facility ang detainee na si Jose Adrian Dera na ineskortan pa ng anim na security personnel ng NBI kahit na walang court clearance.
Lumitaw sa inisyal na imbestigasyon na lumabas ng kulungan nuong Hunyo 20 at 21 si Dera at namasyal sa iba’t ibang lugar at kumain kasama ang girlfriend.
Dahil naman sa Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan nina BuCor Director Gregorio Catapang, Jr. at NBI Director Medardo De Lemos ay sa BuCor sa Muntinlupa Bilibid Prisons na muna ang kustodiya ni Dera at iba pang detainees ng NBI, na una nang kinatigan ng hukuman.
Si Dera ay kapwa akusado ni dating Senator Leila de Lima sa kasong illegal drugs na kasalukuyang dinidinig sa Muntinlupa City Regional Trial Court.