Budget deliberation sa Senado, suspendido ngayong araw

Budget deliberation sa Senado, suspendido ngayong araw

SUSPENDIDO ngayong araw ang budget deliberation sa Senado matapos magpositibo sa COVID-19 si Defense Secretary Delfin Lorenzana.

Si Lorenzana ay nasa plenaryo ng Senado noong Martes, Nobyembre 16 para depensahan ang proposed budget ng Department of National Defense (DND) kasama si Senator Ronald dela Rosa.

Kasunod ng suspension ay gagawin ang pag-sanitize sa loob ng Senado at maaaring ipagpapatuloy na lamang ang budget deliberation sa Lunes, Nobyembre 22.

Pinayuhan naman ni Senate Majority Floor Leader Juan Miguel Zubiri kagabi ang lahat ng physically present sa plenary debates noong Martes na manatili sa bahay at mag-isolate sa loob ng limang araw.

Ito ang ang kabuuang anunsyo ni Zubiri bago mag-suspend ng session ang Senado, alas diyes kagabi.

Maliban sa mga senador, mga staff, ay maaaring na-expose din sa virus ang Hungarian delegation na bumisita sa Senado ayon kay Zubiri.

Sa Lunes ay magsisimula ang Plenary Session ng alas-diyes ng umaga.

Samantala, sinabi naman ni Senator dela Rosa, isa sa mga pinaka-close contact ni Lorenzana na nasa maayos naman ito na kondisyon.

Hindi naman aniya ito natakot ng ipinaalam sa kaniya ni Lorenzana na timaan ito ng virus.

Matatandaan na minsan na ring tinamaan ng COVID-19 si Senator Bato.

“Confident nako eh, bakunado na ako eh, fully vaccinated naman ako saka hindi kami nagtanggal ng mask saka meron akong inaaply sa ilong ko every time before ako papasok sa opisina,” ayon kay Bato.

Napag-alaman naman na batay sa komunikasyon ni Lorenzana kay Bato, ay asymptomatic ang kaso ng kalihim.

Matatandaan na ito na ang pangalawang beses na kinapitan ng virus ang DND Secretary.

 

SMNI NEWS