Budget, infrastructure, at transportation, kabilang sa paksa sa ikalawang cabinet meeting ni PBBM

Budget, infrastructure, at transportation, kabilang sa paksa sa ikalawang cabinet meeting ni PBBM

INISA-ISA ng Office of the Press Secretary ang ilan sa naging highlights sa ginanap na ikalawang cabinet meeting ni Pangulong Bongbong Marcos ngayong araw.

Kabilang sa naging paksa ng ikalawang cabinet meeting ang badyet, imprastraktura, transportasyon at turismo.

Eksakto 9:00 kaninang umaga nang magsimula ang ikalawang cabinet meeting sa Malakanyang.

Pinangunahan ito mismo ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa pamamagitan ng virtual set-up.

Habang naroon naman mismo sa Palasyo ng Malakanyang ang mga miyembro ng gabinete.

Kabilang dito sa mga miyembro ng gabinete sina Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez, Solicitor General Menardo Guevarra, Presidential Management Staff Chief Ma. Zenaida Angping, Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, Secretary of Education Vice President Sara Duterte, at iba pang kalihim ng iba’t ibang ahensiya ng gobyerno.

Naging virtual lang ang Pangulo matapos itong matamaan ng COVID-19 kamakailan.

Sa social media post ni PBBM, sinabi nito na kahit naka-isolate pa siya ngayon, patuloy pa rin ang mga pagpupulong at ang kanyang pagtupad ng iba pang tungkulin sa pamamagitan ng internet.

Saad pa ng Punong-Ehekutibo, marami ang maitatawid na komunikasyon sa matibay at mabisang digital infrastructure na sinisikap ding pagandahin pa ng gobyerno.

Inilahad naman ni Solicitor General Menardo Guevarra na medyo may kabigatan ang naging agenda sa nasabing pulong.

Sa isang text message, binanggit din ni Guevarra na ‘continuation’ ang ikalawang cabinet meeting sa naunang pulong.

“The second cabinet meeting is a continuation of the first. It is a scoping exercise,” ani Guevarra.

Tinitingnan aniya ni Pangulong Marcos at ng gabinete ang ‘landscape’ ng national concerns, mga hamon maging ng oportunidad para sa paglago at pag-unlad.

“The president and the cabinet are exploring the landscape of national concerns, challenges, and opportunities for growth and development,” ayon kay Guevarra.

Ibinahagi naman ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles na kabilang sa natalakay sa Cabinet meeting ang patungkol sa Fiscal Year 2023 Budget Towards the Promotion of Broad-based and Inclusive Economic Recovery and Growth.

Iprinesenta ito ng Department of Budget and Management (DBM).

Kasama rin sa diskusyon ang Build Build Build and Infrastructure Convergence Programs ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Pati rin ang Priority Transportation Programs and Projects ng Department of Transportation (DOTr).

Samantala, pinangalanan na ang bagong nominado sa posisyon na mamumuno sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).

Sa inilabas na statement ni Press Secretary Trixie Criz-Angeles, sinabi nito na nominado ni Pangulong Marcos na maging DENR Secretary si Ma. Antonia “Toni” Yulo-Loyzaga.

Sambit ni Cruz-Angeles, ang nominasyon ni Yulo-Loyzaga ay subject pa rin sa pagtalima ng required documents.

Si Yulo-Loyzaga ay chairperson ng International Advisory Board ng Manila Observatory kung saan adbokasiya niya ang mas maraming scientific research sa climate and disaster resilience.

Isa rin itong executive director ng Manila Observatory at technical adviser ng Philippine Disaster Resilience Foundation.

Senior Advisory Board din si Yulo-Loyzaga ng Command and General Staff College ng AFP.

Nitong Lunes, inanunsyo rin ng Malakanyang na nominado o personal choice ni PBBM si Atty. Raphael Perpetuo Lotilla bilang kalihim ng Department of Energy.

Ipinaliwanag naman ni Cruz-Angeles na hangga’t wala pang linaw ang employment status ni Lotilla ay malabo pa itong umupo sa naturang posisyon.

Si Lotilla ay naging Secretary of Energy mula 2005 hanggang 2007 sa ilalim ng Administrasyong Arroyo.

Sa kasalukuyan, independent director ng Aboitiz Power at ng power firm ENEXOR si Lotilla.

Nasa limang oras tumagal ang nangyaring Cabinet meeting ngayong araw na nagtapos kaninang pasado alas dos ng hapon.

Follow SMNI News on Twitter