POSIBLENG hindi na mapopondohan sa taong 2023 ang National Integrated Cancer Control Program at Cancer Assistance Fund.
Sa panayam ng SMNI News, ipinabatid ni Kabayan Party List Rep. Ron Salo na sa nalalabing 4 na buwan ng taong 2022 ay hindi pa nagamit ng maraming cancer patients ang pondong nakalaan para dito.
Sa ilalim ng 2022 National Budget, P786.95-M ang inilaan para sa Cancer and Supportive Palliative Medicines Access Program at P529.2-M naman para sa Cancer Assistance Fund.
Ikinabahala naman ito ng kongresista dahil batay sa ulat noong 2020, 252 ang average daily cancer deaths ang naitatala sa bansa.
Ibig sabihin, kung hindi man lang ito nagamit ay malamang mas marami pa ngayon ang mga cancer patient na namamatay na walang tulong mula sa pamahalaan.
Ipinanawagan naman ng kongresista sa Department of Health (DOH) na gamitin ang pondong nakalaan para dito.
Samantala, pinag-uusapan na aniya sa Kongreso ang paglunsad naman ng online medical consultation lalung-lalo na sa mga OFW.