‘Budgeting’ sa NIA, mas mapapadali kasunod ng paglipat ng ahensiya sa ilalim ng Office of the President

‘Budgeting’ sa NIA, mas mapapadali kasunod ng paglipat ng ahensiya sa ilalim ng Office of the President

MAYROON nang pagbabagong maaari daw na asahan sa mga proyekto at programang nakalatag sa ilalim ng National Irrigation Administration (NIA).

Ito ay matapos na ipag-utos ng Malakanyang ang paglipat ng NIA sa Office of the President (OP) bilang isang attached agency. Ang NIA ay dating nasa ilalim ng Department of Agriculture (DA).

Ayon kay NIA Administrator Eduardo Guillen, kabilang sa kapakinabangan ng pagsailalim ng NIA sa OP ay ang mapadali na ang dokumentasyon at pagpopondo sa kanilang ahensiya.

“At sa aking experience ano po, tutal kapag may problema rin naman ang ating ahensiya, niri-refer din natin sa ating Pangulo, sa office ni Executive Secretary. So, ngayon po ay mas mapapabilis na. Uulitin ko po, iba po kasi kapag nasa OP ka – from iyong documentation up to budgeting ay nakita ko po na mas streamlined ang proseso,” pahayag ni Eduardo Guillen, Administrator, NIA.

Ang nasabing hakbang, ani Guillen, ay magpapasimple sa proseso ng pag-apruba ng big-ticket projects na sinasabing pakikinabangan umano ng mga magsasaka, irrigator maging ng publiko.

“Katulad po noong ating mga big ticket projects ano po, ma’am, of course, dati kasi maraming dinadaanan iyan eh. Like, for example itong big ticket projects natin kapag papasok sa NEDA ay mayroon pang clearing house na dadaanan iyan ano dito sa Department of Agriculture – ngayon ay dire-diretso na po ito. So, makakatipid po tayo ng mga ilang—usually mga two to three months po iyan eh, ang natitipid natin!” dagdag ni Guillen.

Dagdag pa rito, ang koordinasyon sa iba pang mga ahensiya ng gobyerno tulad ng Department of Public Works and Highways (DPWH) para sa water management at flood control projects ay magiging mas madali sa ilalim ng OP.

Sa ilalim ng Executive Order No. 69 na nilagdaan ni Executive Secretary Lucas Bersamin noong Setyembre 5, ibinalik bilang isang attached agency ng OP ang NIA “for policy and program coordination.”

Iniatas din ang reorganization ng NIA Board.

Ibinahagi ni Guillen na dahil nasa ilalim na sila ng Office of the President, ang Chairman of the Board ay manggagaling din sa OP.

Ang NIA Board ay binubuo ngayon ng isang kinatawan mula sa OP, NIA administrator, mga kalihim ng DA, DPWH, National Economic and Development Authority (NEDA), at isang kinatawan mula sa pribadong sektor.

Sa press statement ng DA, welcome kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. ang paglipat ng NIA sa Office the President.

Nakasaad din sa statement na iminungkahi ng ahensiya ang isang badyet na PHP 512-B para sa 2025, kung saan malaking bulto ng pondo ay ilalaan sa irrigation projects ng NIA.

Subalit hindi ito pinagbigyan ng Department of Budget and Management (DBM), bagkus, nasa P200.2-B lamang ang hiniling para sa DA, base na rin sa 2025 budget proposal.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble