Bulacan, opisyal nang sinimulan ang pagbabakuna kontra COVID-19

OPISYAL nang sinimulan sa Bulacan ang pagbabakuna laban sa COVID -19 ngayong araw, Marso 8.

Isinagawa ang pagbabakuna laban sa COVID-19 sa Bulacan Vaccination Center sa Hiyas ng Bulacan Convention Center sa Malolos.

Unang nabakunahan ang Bulacan Medical Center (BMC ) Chief at Provincial Task Force against COVID-19 Response and Vaccine Cluster Head Hjordis Marushka Celis.

Kasunod na nabakunahan sina BMC Hospital Training Officer Jose Emiliano Gatchalian at BMC Nurse Supervisor Alma Villena.

Prayoridad na tatanggap ng Sinovac COVID-19 vaccine ang 833 na medical frontliners at mga empleyado ng BMC ng Sinovac vaccine sa tuloy-tuloy na pagbabakuna sa nasabing probinsiya.

Matatandaan, dumating sa pasilidad ng Department of Health – Central Luzon Center for Health Development ang 900 dosis ng Sinovac vaccine nakaraang Sabado, Marso 6.

Inilipat ang mga ito sa cold storage room sa Isidoro Torres Hall sa Hiyas ng Bulacan Convention Center, Malolos City.

Target naman ni Bulacan Gov. Daniel R. Fernando na mabakunahan ang 300 indibidwal kada araw.

“Lahat ng mga plano na inihanda ng ating lalawigan ay unti-unti nang maisasakatuparan. Sa pagdating po ng mga COVID-19 vaccine, inaasahan na makakapagbakuna ng may kabuuang 300 indibidwal bawat araw sa tulong ng ating mga itinalagang vaccination teams. Magtiwala po tayo sa Maykapal at humingi ng gabay para sa kaligtasan at ikabubuti ng ating mga kalalawigan at ng buong bansa,” pahayag ng gobernador.

Nakatakda namang isagawa ang pangalawang dosis ng bakuna sa mga medical frontliner ng Bulacan sa Abril 5, 2021.

SMNI NEWS