Bumagsak na tulay sa Isabela, ‘underdesigned’; Mas malalim pang imbestigasyon, isasagawa—Palasyo

Bumagsak na tulay sa Isabela, ‘underdesigned’; Mas malalim pang imbestigasyon, isasagawa—Palasyo

INIIMBESTIGAHAN na ang pagbagsak ng isang bahagi ng Cabagan-Santa Maria Bridge sa Isabela. Mahigit P1.2B ang inilaan para sa proyekto.

Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH)-Region 2, pagbagsak ng tulay ang idinulot ng pagdaan ng isang dump truck.

Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Claire Castro na nakausap na nila si DPWH Secretary Manuel Bonoan. Batay sa inisyal na imbestigasyon, sinimulan ang konstruksiyon ng tulay noong 2014, sa ilalim ng administrasyon ng yumaong dating Pangulong Benigno Aquino III.

Dagdag ni Castro, dahil sa mga lindol, kalamidad, at katagalan ng istruktura, hindi na ito ganoon katibay kaya kailangang isailalim sa retrofitting. Lumalabas din na underdesigned ang tulay, kung saan tanging maliliit na sasakyan lamang ang dapat dumaan dito.

Dahil dito, posibleng may pananagutan din ang may-ari ng dump truck.

“Tatlong dump truck na may kargang boulders ang dumaan sa tulay, na hindi akma sa kapasidad nito. Dahil dito, nagkaroon ng hindi tamang sitwasyon na nagresulta sa pagbagsak ng bahagi ng tulay,” saad ni Usec. Claire Castro, Palace Press Officer.

Ayon kay Castro, hindi lang mga nakaraang administrasyon ang maaaring managot, kundi pati ang mga responsable sa proyekto hanggang sa kasalukuyang administrasyon.

“Kung sino ang may pananagutan dito, dapat silang manago,” dagdag ni Castro.

Bukod sa underdesign, titingnan din sa mas malalim na imbestigasyon kung may nangyaring korapsiyon sa paggawa ng tulay.

Sa ngayon, isinara muna ang Cabagan-Santa Maria Bridge sa lahat ng motorista habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble