SAKAY sa iisang kotse ang mga magkakamag-anak, kabilang ang ama, ina, at anak na bumabiyahe mula sa General Santos City patungong Davao City nitong alas singko ng madaling araw, ng Hunyo 4 nang mabangga sila ng isang Prime Mover truck sa bahagi ng National Highway sa Sitio Molave, Brgy. Talus, Malungon, Sarangani.
Sa paunang imbestigasyon ng kapulisan, minamaneho ng 35 taong gulang na padre de pamilya na napag-alamang isang dating pulis ang kotse nang mahulog ito sa pagitan ng aspalto at sementadong daan. Nawalan ng kontrol ang driver at napunta sa linya kung saan nakasalubong nito ang truck.
Sa lakas ng pagkakabundol, nayupi ang kalahati ng kotse at walang natirang buhay sa nasabing pamilya.
Naabutan ng Malungon Rescue Team ang tatlong biktima na dead on the spot.
Sumuko naman ang driver ng truck sa mga awtoridad na kinilalang si alyas Cris na nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in multiple homicide.