NALAMPASAN ng Bureau of Customs (BOC) ang collection target para sa buwan ng Setyembre ayon kay Spokesperson at Chief ng Customs Operations na si Arnaldo dela Torre, Jr.
Nakakolekta ang BOC ng kabuuang kita na aabot sa P79.5 Billion, nitong Setyembre batay sa paunang ulat.
Sa naturang aktwal na kita, nalampasan ng BOC ang target nitong Setyembre ng P17.6B o ng 28.4%.
Ito ay nagpapakita ng pagtaas ng P21.9B sa mga nalikom na kita at 38.1% na pagpapabuti ng koleksyon kumpara noong Setyembre ng nakaraang taon.
Saysay ni Dela Torre, maa-attribute ang achievement na ito sa iba’t ibang factors:
Una rito saad ng opisyal, ang malakas at mataas na kooperasyon ng mga kawani dahil mas motivated sila ngayon bunsod ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr.
Isa rin dito ang mahigpit na pagtutok ng BOC ports sa valuation ng mga importation.
Mas pinahigpit din aniya ang border protection measures para masigurado na tama ang mga buwis na kinukolekta.
At dahil sa economic recovery, ani Dela Torre, mapapansin na patuloy din ang pagtaas ng volume ng imported goods.
“So mas marami na po ngayon iyong dumadaong na barko at mas marami na ho tayong napuproseso na mga importation,” pahayag ni Dela Torre.
Bukod pa rito, patuloy rin ang modernization programs sa ahensiya.
“Iyon pong nagawa noong nakaraang administrasyon ay patuloy ho nating pinagbubuti at ini-improve iyong mga services na dapat nating ibigay sa ating mga kababayan at sa mga nagta-transact sa Bureau of Customs,” ayon kay Dela Torre.
Ibinahagi pa ng opisyal na karamihan ng mga proseso ngayon ay maa-access na rin online.
Isa ring rason kung bakit tumaas ang collection rate ng Customs ay ang mahusay at dobleng pagsusumikap ng ahensiya na mapabilis ang proseso ng importasyon lalo na ngayong “ber” months.
Samantala, tiwala naman ang BOC official na magtutuluy-tuloy ang mataas na koleksyon at makamit ng ahensya ang full year goal target.
Sinabi ni Dela Torre na positibo siyang makamit ang nakatakdang target na binigay ng national government para sa 2022 – na 721 billion pesos.
Ito’y lalo’t kahit Setyembre pa lang, nakakolekta na ang BOC ng P638 billion para sa taong ito.