MULING ipasasara ang mga nag-reopen na mga business establishment sa mga lugar na nasa ilalim ng General Community Quarantine (GCQ) partikular na sa Metro Manila.
Ito’y matapos ang paglala ng bilang ng mga bagong kaso ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay DTI Sec. Ramon Lopez tigil-operasyon muna ang mga driving school, sinehan, gaming arcade, museo, cultural center, at limitadong social events sa Department of Tourism-accredited na mga establisimyento hanggang Easter Sunday sa Abril 4.
Lilimitahan din ani Lopez ng IATF sa 30% capacity mula sa 50% ang mga meeting, incentives, conference, at exhibition.
Ibabalik din sa 50% venue capacity ang mga dine-in restaurant, cafe at mga personal care services.
Dagdag ni Lopez, na magpapalabas ang Inter-Agency Task Force ng bagong circular hinggil dito.
Nanawagan naman ang DTI sa mga establishment owners na pabutihin ang mga ventilation ng kanilang lugar at gumamit rin ng air purifiers.
Pinaalalahanan din nila ang publiko na iwasan muna ang pagpunta sa mga matataong lugar upang hindi mahawa ng COVID-19.
Samantala, muling inirerekomenda ng Department of Health (DOH) ang ‘double masking’ at ang istriktong granular lockdown sa mga komunidad sa gitna ng pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa bansa.
Nakapagtala kahapon ang Department of Health ng 5,290 na bagong kaso ng COVID-19.
Sa kabuuan nasa 66,567 na ang active COVID-19 cases sa bansa.