PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang groundbreaking ng Samal-Davao Bridge project ngayong araw.
Kasama si Vice President Sara Z. Duterte sa groundbreaking ceremony ng Samal Island- Davao City Connector project sa pagbababa ng time capsule.
Ang proyekto ay magdurugtong sa Samal Circumferential Road sa Island Garden City ng Samal doon sa R. Castillo-Daang Maharlika junction sa Lungsod ng Davao.
Sa pagkumpleto ng nasabing proyekto, inaasahang mapaiikli ang travel time mula Davao City hanggang Samal sa 5 minuto na lamang, mula sa humigit-kumulang 30 minuto sa pamamagitan ng ferry.
Makapagsisilbi naman ang naturang tulay ng hanggang 25,000 na mga sasakyan kada araw.
Target na matapos ang P23-billion peso two-way, four-lane bridge project sa loob ng 5 taon, kaya’t inaasahan na operational na ito sa 2027.
“In 2027, this bridge will surely ease the convenience of travel and transport bringing forth gainful opportunities for many of our people by providing a link between relatively far-flung areas and economic centers thereby we ensure smoother mobility of people and of goods,” ayon sa Pangulo.
Kaugnay nito, inihayag ni Pangulong Marcos na makatutulong ang Samal-Davao Connector project para paunlarin ang potensyal na pang-ekonomiya ng lungsod partikular ng Island Garden City of Samal.
Dagdag pa ni PBBM, kapag nakumpleto na ang bridge project na ito, mapapahusay rin ang access ng mga residente nito sa trabaho, edukasyon at iba pang serbisyo.
Magbibigay rin ito ng mas madaling pag-access sa mga tourism spot at matiyak ang mabilis na pagrekober mula sa epektong dulot ng pandemya.
Naniniwala rin si Pangulong Marcos na sa pamamagitan ng Samal-Davao Bridge project, ay mas mapapabuti pa ang peace and order situation sa lugar.
Bukod dito, matitiyak din ang mas mabilis at mas mahusay na pamamahagi ng tulong sa panahon ng kalamidad.
Samantala, kinilala naman ni Pangulong Marcos ang naging papel ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pagtatayo ng Samal-Bridge project.
Sinabi ni Pangulong Marcos na mapalad siya na maipagpatuloy ang nasimulang proyekto ng Duterte administration at pangunahan din ang pagbubukas ng naturang bridge project kapag ito ay natapos na.
Nararapat lang din aniya na ibigay ang pagkilala sa lahat ng mga nagsumikap at patuloy na nagsusumikap nang husto upang maisakatuparan ang imprastraktura na ito.
Dahil sa pamamagitan ng pinagsama-samang pagsisikap ng mga ito, saad ng Punong Ehekutibo, mag-aani ito ng mga bunga na talagang mapakikinabangan ng lahat.
“I am only fortunate to have been sitting as President when we broke ground for this very important project. This project actually was formally began by then Secretary Mark Villar under the Duterte administration and it began, formally to put together the project since 2018 so the previous administration had already been working on this project for 4 years before we arrive to this day,” pahayag ni PBBM.
Samantala, binigyang-diin ni Pangulong Marcos na ang Samal Island-Davao City Connector (SIDC) bridge project ay isang patunay ng matibay na bilateral relation sa pagitan ng Pilipinas at China.
Dagdag pa ng Punong Ehekutibo, patunay rin ito ng patuloy na lumalagong pundasyon ng relasyon at pagtutulungan ng dalawang bansa.
Inaasahan naman ng administrasyon na ang pagbuo sa mga direksyon na ibinigay ni Pangulong Xi Jinping sa People’s Republic of China sa pakikipagtulungan sa Pilipinas, ay magpapatuloy at mas mapalalakas.
Mababatid na popondohan ang konstruksyon ng Samal-Davao Bridge project sa pamamagitan ng loan agreement sa pagitan ng Pilipinas at ng China.
Nakatakdang itayo ng engineering company na China Road at Bridge Corporation (CRBC), ang tulay na may kabuuang haba na 3.98 kilometro.
“This is not the only project that we have depended upon a concessional loans and even grants from the government of the Peoples Republic of China and it is clear to see the benefits that those projects bring to our people, to our economy and to the Philippines,” dagdag ng Pangulo.
Samantala, inilahad naman ni Chinese Ambassador Huang Xilian na ang naturang bridge project ay sumasamin sa commitment ng China na suportahan ang programang Build Better More ng pamahalaang Pilipinas.
Binigyang pagkilala rin ni Pangulong Marcos ang papel na ginagampanan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa pagtataguyod ng mga proyektong magdurugtong sa bawat isla ng bansa na higit na makatutulong mapalago ang ekonomiya lalo na sa mga malalayong probinsya.