CAAP, naglabas ng abiso kasunod sa inilunsad na March 3B rocket ng China

CAAP, naglabas ng abiso kasunod sa inilunsad na March 3B rocket ng China

NAGLABAS ng notice to airmen (NOTAM) ang Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) hinggil sa pagsasara ng ilang rutang pang-nabigasyon.

Itoy’ matapos inilunsad ang Long March 3B rocket ng China nitong Huwebes mula sa Xichang Satellite Launch Center sa Xichang, Sichuan Provinces, China.

Base ito sa inihayag ni Eric Apolonio ang tagapagsalita ng CAAP kung saan pinapayuhan ang pagsasara ng ilang mga ruta ng area navigation (RNAV) bilang paghahanda sa posibleng pagbagsak ng mga debris mula sa isinagawang paglunsad ng rocket.

Epektibo simula Disyembre 30, 2022 ng alas 12:00 ng tanghali hanggang January 2, 2023 ng alas 6 ng gabi ang nasabing NOTAM.

Sa abiso ng Philippine Space Agency (PhilSA), ang drop zone area ay matatagpuan sa paligid ng Recto Bank (West Philippine Sea), humigit-kumulang 137 kilometro mula sa Ayungin Shoal at 200 kilometro mula sa Quezon, Palawan.

Dagdag din ni Apolonio, kahit na ang mga debris mula sa inilunsad na rocket ay hindi bumagsak sa tinatahanang lupain, maaari pa rin itong magdulot ng panganib sa sasakyang panghimpapawid at sasakyang pandagat.

Follow SMNI NEWS in Twitter