HINDI problema na i-offload ng airlines ang bagahe ng mga pasahero kung may valid reason.
Sa Section 16 na Right to Compensation for Delayed, Lost, or Damaged bag na inamyendahan na Air Passenger Bill of Rights ng Civil Aeronautics board.
Nakasaad na obligado ang airlines na ipaalam muna sa pasahero bago i-offload ang kanilang bagahe.
Sinabi ni Atty. Wyrlou Samodio, ‘pag nasunod ng Airline ang nasabing batas ito ay walang violation.
Pero sa bawat araw na delay ang delivery ng bagahe ng isang pasahero, may karapatan ang airline na bayaran ito ng P2,000 batay sa umiiral na APBR.
“Kung tatlong araw na hindi nadeliver, babayaran ka ng P2,000 each so a total of P6,000,” pahayag ni Atty. Wyrlou Samodio, Chief, legal Division, Civil Aeronautics Board.
Bukod sa dalawang libong pisong babayaran kada araw na delay ng delivery ng bagahe, obligado pa rin ang airline na bayaran kung nadeklara na nilang “lost” ang baggage.
Paliwanag ni Samodio ‘yung Rule of Presumption of Lost, hindi ang pasahero ang dapat magdeklara kundi ang airline.
“Pag 7 days na hindi pa rin na-i-dedeliver sa iyo ni airline, hindi pa rin ma-locate ni airline pwde na niyang sabihin na lost baggage na ‘yan, so dapat bayaran ka na niya ng compensation for lost baggage on top of the compensation for the delay in the delivery of the baggage. So, mayroon kang dalawang compensation set of compensation na matatanggap,” dagdag ni Samodio.
Pero kahit binayaran na rin ng airline ang dalawang set ng compensation para sa delay at lost baggage, maari pa ring kunin ng pasahero ang kaniyang bagahe kung huli na itong natagpuan.
“Tatandaan natin ‘yung compensation na ibinigay sa atin ni airline is compensation for the inconvenience, hindi ‘yon kabayaran sa pag-aari mo do’n sa bagahe. So, you remain the owner of the baggage hindi ownership ang binayaran sa compensation kundi ‘yung inconvenience. So, ibabalik pa rin sa ‘yo ‘yun, kasi ikaw pa rin ang may-ari ng bagahe,” ani Samodio.
Paalala ng CAB bago bumili ng ticket, obligado ang pasahero na malamam ang umiiral na terms and condition sa pagitan ng airline at pasahero upang maiwasan ang anumang mga pagkakaabala.
Kung alam ng isang pasahero na lumabag ang airline sa umiiral na batas ay maaring agad itong idulog sa mga desk ng CAB sa loob ng mga airport.