Camp Aguinaldo sa Quezon City, isinailalim sa lockdown

ISINAILALIM sa lockdown ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang Camp Aguinaldo sa Quezon City simula kahapon, Marso 21.

Ito ay bilang tugon sa mabilis na paglaganap ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

“I confirm that Camp Aquinaldo has been locked down since 8 o’clock in the morning, 21 March 2021,” ayon kay AFP spokesperson Maj. Gen. Edgard Arevalo.

Ang nasabing aksyon ay iniutos ni Chief of Staff Gen. Cirilito Sobejana, upang pigilan ang nakaaalarma at mabilis na paglago sa bilang ng impeksyon sa COVID-19.

Sa kasalukuyan ay wala pang inilabas na bilang ng mga naimpeksyon sa COVID-19 sa loob ng kampo.

Nitong Pebrero, inatasan ang 150,000 na mga militar at ang kanilang dependents na magpabakuna kontra COVID-19.

Ayon kay Arevalo, hindi opsyon ang pagtanggi sa bakuna dahil ang militar ay isang “service-oriented organization” na gumagawa ng iba’t ibang trabaho.

Kahapon ay naitala ang 7,757 na bagong kaso ng COVID-19 ayon sa Department of Health.

Umabot naman sa 15,288 na pasyente ang gumaling habang 39 ang nasawi sa nasabing virus.

Dahil sa pagtaas ng bilang ng COVID-19, inanunsyo ni Presidential Spokesperson Harry Roque ang mga bagong restriction na ipatutupad simula ngayon araw, Marso 22 hanggang Abril 4 sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.

Nakasaad sa Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) Resolution No. 104 na isa sa mga direktiba ng IATF ay ang istriktong implementasyon ng mga LGU sa kanilang isolation at quarantine measure at ang pagpapatupad ng mga minimum health standard.

Ayon sa IATF, kinakailangan mas paigtingin ng mga lokal na pamahalaan ang pagbabahay-bahay, paghahanap, pag-iisolate at pagte-test sa mga may sintomas ng COVID-19.
Sa ilalim ng resolusyon, kailangan mas pabutihin pa ng mga LGU ang kani-kanilang facility-based quarantine at isolation.

(BASAHIN: Isolation at quarantine measures ng LGUs, mas paigtingin pa)

SMNI NEWS

Leave a Reply

Your email address will not be published.