OPISYAL nang nagsimula ang ang campaign period para sa mga tatakbo sa national elections sa darating na May 2022.
Ipinaalala ng Commission on Elections (COMELEC) sa mga kandidato sa pambansang halalan na mayroong paghihigpit sa paraan ng pangangampanya sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Batay sa Comelec Resolution 10732, maaari pa rin ang in-person campaign at house-to-house campaign pero may iilang restriction ayon kay COMELEC Director Elaiza David.
“Ngayon, may mga restrictions na, kagaya ng hindi na po maaaring pumasok ang kandidato, Usec. Rocky, sa mga bahay kahit po may permiso pa ito ng may-ari. Bawal na rin po ang magki-kiss po or magha-hug, handshake or anything po na mayroong physical contact. Because we need to maintain or observe po iyong minimum public health standard,” pahayag ni David.
Maliban dito, bawal na din ang pag-selfie, pagbibigay ng anumang bagay sa panahon ng pangangampanya.
“So, bawal na rin po ang pag-crowding, iyong lalapit po, iyong dudumugin po ang kandidato lalo na po siguro kung popular ang kandidato. Bawal ho iyon. Bawal din po ang pag-take ng selfie at lagi naman pong bawal, of course, ang pagbibigay po ng pagkain at damit or anything of value ngayon pong pag-campaign,” ani David.
Kinakailangan namang magfile ng application ang mga kandidato na nais magsagawa ng in-person campaign, miting de avance, rallies, caucuses, caravans at motorcade sa COMELEC campaign Committee.
Live streaming ng e-rallies, magsisimula na mamayang gabi
Samantala, kasado na din ang live streaming ng e-rallies na iho-host ng COMELEC para sa mga presidentiable at vice presidentiable na magsisimula mamayang alas siyete ng gabi.
Sa ‘Campaign Safe E-rally Channel’, maaring makapaglive-stream ang mga kandidato.
Ayon sa twitter post ni COMELEC Spokesperson James Jimenez, unang mapapanood sina Presidential Aspirants Norberto Gonzales, Sen. Manny Pacquiao at Faisal Mangondato sa E-rally.
Ang schedule ng E-rally timeslots para sa presidential candidates at vice presidential bets ay sampung minuto na may tatlong slots kada gabi.
Sa senatorial candidates at party-list organizations naman ay tatlong minuto at limang slots kada gabi habang 10 minuto at tig-tatlong slots kada gabi naman para sa political parties.