Campaign rally sa panahon ng overseas voting, ipinagbabawal – Embahada ng Pilipinas sa Malaysia

Campaign rally sa panahon ng overseas voting, ipinagbabawal – Embahada ng Pilipinas sa Malaysia

NAGPAALALA ang Embahada ng Pilipinas sa Malaysia sa mga Pilipinong botante sa bansa ukol sa pagbabawal ng anumang kampanya na may kinalaman sa mga kandidato sa buong panahon ng overseas voting.

Sa ikalawang linggo ng nagpapatuloy na overseas absentee voting sa Malaysia, ipinaalala ng Embahada ng Pilipinas sa mga Pilipinong botante sa bansa na mahigpit na ipinagbabawal ang pagsasagawa ng anumang pangangampanyang pampulitika sa buong panahon ng overseas voting.

Ang naturang paalala ng embahada ay alinsunod sa Section 80 ng Omnibus Election Code ng Pilipinas.

Nakasaad din sa patakaran, mahigpit na ipinagbabawal ang pagsusuot ng mga campaign shirts, ballcaps, jacket, wristbands, bandanas o anumang materyales na may kaugnayan sa pangangampanya sa loob at labas ng polling precint ng Philippine Embassy.

Paalala ng embahada, sinumang tao o grupo na magnanais pumasok sa loob ng kanilang tanggapan para bumoto o kumuha ng anumang serbisyo ng embahada ay maaari lamang papasukin kung tatanggalin ang mga nasabing bagay o kung magpapalit ng kasuotan.

Ipinapaalala rin ng embahada na alinsunod sa Section 4 ng Peaceful Assembly Act 2012 ng Malaysia, ipinagbabawal sa mga dayuhan sa Malaysia ang pagsasagawa ng anomang rally o pagpupulong upang mangampanya sa pampublikong lugar sa Malaysia.

Sa gitna ng naturang abiso, mas maraming kababayang Pilipino ang sang-ayon sa panukalang ito ng COMELEC.

Para kay Salvador Ramos na 12 taon nang OFW, maihahalintulad aniya sa vote buying ang pagsasagawa ng anumang kampanya habang isinasagawa ang botohan kung kayat pabor siya sa panukala.

Bukod pa rito, sang-ayon din ang iba pang mga kababayang Pilipinong botante sa Malaysia sa panukalang pagbabawal ng pagpapasok ng mga botanteng may planong ikampanya ang kandidatong nais nilang suportahan sa buong panahon ng overseas absentee voting.

Anila, maaaring pagsimulan umano ng gulo ng ilan sa pagitan ng magkakaibang kandidato sakaling pahintulutan ang naturang gawain.

Pero kung sang-ayon ang mas maraming botanteng OFW sa panukalang ito ng COMELEC, kabaliktaran naman ito sa isang miyembro ng Filipino community sa Malaysia.

Ayon kay Ms. Ohn Morales ng One Heart Netizens-Malaysia, hindi siya sang-ayon sa panukalang pagbabawal nito dahil hindi raw naipapakita ng isang kandidato ang kanilang kalayaan para ipaalam kung sino ang nais nilang suportahan ngayong eleksyon.

Gayunman, patuloy na organisado at maayos ang takbo ng overseas absentee voting sa Malaysia, umaasa ang marami sa ating mga kababayan na maipagpapatuloy ng mga botante ang disiplina kabilang ang pagsusunod sa health protocols hanggang sa huling araw ng botohan sa Mayo 9.

Samantala, patuloy ang pagdating ng mga kababayan sa embahada para bumoto.

Follow SMNI NEWS in Twitter