HANDA na ang Pamahalaang Lungsod ng Canlaon sa Negros Oriental para sa isang posibleng malawakang paglikas sa mga residente nito.
Ito ay matapos ilagay ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa Alert Level 3 ang Mt. Kanlaon na nangangahulugan ng nagpapatuloy na magmatic process sa naturang bulkan.
Ayon kay Canlaon City Mayor Jose Chubasco Cardenas, kabilang sa kanilang pinaghandaan ay ang transportasyon, pansamantalang tirahan, at pagbibigay ng mga pangunahing serbisyo sa mga maaapektuhang residente;
At ililikas patungo sa mas ligtas na mga lugar ang lahat ng residente na nasa loob ng 14-kilometrong radius ng Bulkang Kanlaon.
Binibigyang-diin ni Mayor Cardenas ang kahandaan nila dahil ang karamihan ng mga residente doon ay nasa loob lamang ng 10 hanggang 11 kilometro mula sa bulkan na naglalagay sa mga residente sa malaking panganib kung lumala ang sitwasyon.
Kahapon, Enero 1, 2025 ay apat na beses pang nagbuga ng abo ang Bulkang Kanlaon batay sa ulat ng PHIVOLCS.