Canlaon LGU, nanawagan ng tulong sa DA para sa mga magsasaka na apektado sa pagputok ng Mt. Kanlaon

Canlaon LGU, nanawagan ng tulong sa DA para sa mga magsasaka na apektado sa pagputok ng Mt. Kanlaon

PUMUTOK ang Bulkang Kanlaon nitong Disyembre 9 at nagbuga ng makapal na abo.

Kuwento ni Canlaon City Mayor Jose Chubasco Cardenas, bandang alas-tres ng hapon ng Lunes nang makarinig sila ng napakalakas na pagsabog.

Wala aniya silang ibang naisip kundi ang Bulkang Kanlaon dahil nagiging volcanic unrest na anila ito simula pa noong Hunyo hanggang sa kasalukuyan.

Sa kasalukuyan, ani Cardenas, kanselado pa rin ang pasok ng mga estudyante sa kanilang siyudad.

Ang tourism sites naman sa lugar, kahit malaki na ang pagkalugi sa naturang sektor, ay mas pinili pa rin ng LGU na pansamantalang nakasara para matiyak ang kaligtasan ng lahat.

Nanawagan naman ang alkalde sa Department of Agriculture (DA) ng tulong para sa mga apektadong magsasaka.

Simula pa aniya kasi noong Hunyo ay wala nang gaanong ani ang vegetable farmers sa lungsod.

“Nanawagan din kami sa Department of Agriculture na sana matulungan ‘yung vegetable farmers namin kasi ‘yung mga natutulungan pa natin ngayon from the national government ay ang rice farmers. Kasi ang Canlaon is composed of rice farmers and vegetable farmers,” ayon kay Mayor Jose Chubasco Cardenas, Canlaon City.

Naitalang pyroclastic density current sa Bulkang Kanlaon, mataas ang posibilidad na masundan pa—PHIVOLCS

Sa ngayon, nakataas sa Alert Level 3 ang Bulkang Kanlaon matapos ang naging pagputok nito.

Iniulat naman ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) nitong Martes na hindi na nasundan ang pagputok ng bulkan.

Ibinahagi ni PHIVOLCS Director Dr. Teresito Bacolcol na nakapagtala lamang sila ngayon ng 19 volcanic earthquakes.

Dagdag pa nito, ang ash plume na inilabas ng bulkan nitong Lunes ay umabot sa taas na humigit-kumulang apat na kilometro mula sa bunganga ng bulkan.

Apektado aniya ang mga lugar na nakapalibot sa bulkan na kinabibilangan ng ilang bayan sa Negros Occidental gaya ng La Carlota City, La Castellana, Murcia, Hinigaran, Valladolid, Pulupandan, Pontevedra, at San Enrique; kasama rin ang Canlaon City sa Negros Oriental.

Umabot din ang ash fall sa Guimaras at Antique.

Wala naman daw’ng dapat ikabahala pagdating doon sa ibinugang sulfur dioxide.

“Mabilis naman itong kumalat/ma-disperse iyong sulfur dioxide kasi po malakas naman iyong hangin. So, right now, wala pa sa threshold na mababahala tayo kasi, again, nasa 1,669 tons per day lamang iyong sulfur dioxide,” wika ni Dr. Teresito Bacolcol, Director, PHIVOLCS.

Inihayag din ni Bacolcol na mayroon din silang naitalang pyroclastic density current (PDC) events nitong Lunes. Ito ay isang mabilis na daloy ng mainit na volcanic gases, abo, at pira-pirasong bato na bumababa galing sa bulkan.

May bilis ito na umaabot sa daan-daang kilometro kada oras at napaka-delikado ito.

Mataas aniya ang posibilidad na masundan pa ito.

“So, very dangerous po ito, sinisira ang lahat ng madadaanan ng PDC katulad ng puno, gusali at puwede ring makakitil ng buhay. So, ang possibility na masundan ito in the short term ay mataas kaya po nag-raise tayo ng alert level from 2 to 3,” ani Bacolcol.

Nag-abiso naman ang PHIVOLCS sa mga residente na magsuot ng facemask para maprotektahan ang sarili.

6,500 indibidwal, apektado ng pagsabog ng Bulkang Kanlaon—DSWD

Batay sa Disaster Response Operations Management, Information, and Communication (DROMIC) report ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) nitong alas-sais ng Martes, 14 na barangay ang naapektuhan ng pagsabog ng bulkang Kanlaon.

Sinabi ni DSWD Assistant Secretary Irene Dumlao na nakapagtala rin ang ahensiya ng mahigit dalawang libong pamilya o katumbas ng 6,500 indibidwal na naapektuhan ng pagputok ng bulkan.

Sa kasalukuyan, mayroong 13 evacuation centers na matatagpuan sa Bago City, La Castellana, Moises Padilla, at Pontevedra sa Negros Occidental habang mayroon din sa Canlaon City sa Negros Oriental.

Naka-preposition na rin aniya ang mahigit 40,000 family food packs at lagpas 14,000 non-food items sa Negros Occidental habang halos 40,000 family food packs at higit 1,800 non-food items sa Negros Oriental.

“Mayroon na po tayong mga na-release sa mga affected populations particularly iyon pong mga pamilya na nasa  mga evacuation centers.”

“Mayroon din po tayong mga ibang tulong: financial assistance—cash relief assistance po iyan under Assistance to Individuals in Crisis Situation habang tayo po ay nasa response phase; another intervention that is being provided by the DSWD ay iyon pong emergency cash transfer na kung saan nagbibigay rin nga po tayo ng unconditional cash transfers,” saad ni Asec. Irene Dumlao, DSWD.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble