BANTAY-sarado ng mga awtoridad ang nakatakip na si Cassandra Ong nang dumating ito sa Department of Justice (DOJ) para sa pangalawang preliminary investigation sa reklamong human trafficking na isinampa laban sa kaniya.
Nakapaghain na ito ng salaysay na komukontra sa reklamo.
Ang Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na nagsisilbing complainant, may bitbit namang mga testigo para iharap sa pagdinig.
Atty. Harry Roque, no show pa rin sa pagdinig ng DOJ, pero nangako raw na magpapakita sa Disyembre
Ang isa pa sa mga respondent sa reklamo na si Atty. Harry Roque, no show pa rin sa ikalawang pagdinig.
Pero ayon sa panel of prosecution, maaaring sumipot ito sa December 3.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Mico Clavano, nasa Panel of Prosecution na kung tatangapin ang kontra salaysay ni Roque kahit hindi ito magpakita sa panel lalo’t pa’t meron itong warrant of arrest na inisyu ng Kamara.
Matatandaan na nakapaghain ng counter affidavit noon si Alice Guo kahit wala ito sa bansa sa pamamagitan ng pagsusumite ng notary.
Samantala, bago pa ang pagdinig ng DOJ ay ilang ulit nang itinanggi ni Roque na may kinalaman siya sa operasyon ng Lucky South 99 para madiin siya sa reklamo.
Ayon kay Roque, biktima siya ng political persecution ng Marcos admin.
Una na ring sinabi ng kampo ni Cassey Ong, na ipababasura nila sa Panel of Prosecution ang reklamo dahil sa kakulangan ng ebidensiya.