Cayetano gustong makaboto ang mga residente ng EMBO sa 2025 local elections

Cayetano gustong makaboto ang mga residente ng EMBO sa 2025 local elections

PARA kay Sen. Alan Peter Cayetano, dapat bigyan ang mga residente ng 10 Enlisted Men’s Barrio (EMBO) barangay na bahagi na ngayon ng Lungsod ng Taguig ng karapatang bumoto para sa kanilang congressional representative sa 2025 local elections.

Upang matugunan ito, ipinanukala niya ang Senate Concurrent Resolution No. 23 noong Lunes na nananawagan sa mga residente ng EMBO na gamitin ang kanilang mga karapatan sa pagboto at makakuha ng representasyon sa Kongreso bilang bahagi ng isang legislative district.

“All residents of Taguig have the right to equal representation and those qualified have the fundamental right to exercise their right to suffrage,” sulat ni Cayetano sa resolution na kaniyang inihain nitong September 23, 2024.

Nilalayon ng resolusyon na tugunan ang isyung kinakaharap ng mga barangay ng EMBO – na sama-samang binubuo ng karagdagang 336,873 residente sa Lungsod ng Taguig – dahil kasalukuyang hindi sila kasama sa anumang legislative district sa Lungsod ng Taguig at Munisipalidad ng Pateros.

Ang sitwasyong ito ay nagdulot ng kawalan ng katiyakan tungkol sa mga karapatan at representasyon ng mga residente ng EMBO sa pagboto. Lumitaw ang mga alalahanin hinggil sa kanilang kakayahang bumoto para sa isang kinatawan ng Kongreso at kung sila ay ikategorya sa ilalim ng unang distrito ng Taguig-Pateros o ikalawang distrito ng Taguig.

“Ang sabi ng COMELEC (Commission on Elections), walang problema, makakaboto kayo sa council, mayor, vice mayor, pero hindi kayo makakaboto sa congressman. Doon lumitaw ang problema,” paliwanag ni Cayetano sa isang pagpupulong kasama ang mga barangay at opisyal ng lungsod noong nakaraang dalawang linggo.

Bilang posibleng solusyon sa problema, inihain ng senador ang resolusyong ito bilang suporta sa Taguig City Ordinance No. 144, na naglalayong isama ang 10 EMBO barangays sa kasalukuyang dalawang distrito at itaas sa 12 ang bilang ng mga konsehal mula sa walo.

Bilang concurrent resolution, hindi kinakailangan ang pirma ng Pangulo. Kinakailangan lang itong maipasa sa Kongreso at Senado.

Ang katapat nitong panukala sa House of Representatives na House Concurrent Resolution No. 37 ay inihain noong Setyembre 18 ni Taguig-Pateros Representative Ricardo ‘Ading’ Cruz Jr.

Sa ilalim ng resolusyong ito, iminumungkahi na sasakupin ng unang distrito ang Comembo, Pembo, at Rizal, habang ang Cembo, South Cembo, East Rembo, West Rembo, Pitogo, Post Proper Northside, at Post Proper Southside ay sa ikalawang distrito naman.

Binigyang diin ni Cayetano ang kahalagahan ng pagtiyak na magagamit ng mga residente ng EMBO ang kanilang mga karapatan sa pagboto at magkaroon ng boses sa mga desisyon ng gobyerno.

Sa pagsisimula ng paghain ng mga kandidato para sa 2025 elections sa Oktubre 1, 2024, hinimok din ng senador ang lahat ng Taguigeño na aktibong lumahok sa paghubog ng kinabukasan ng kanilang lungsod.

 “Let’s make sure of three things: one, that every single Taguigeño can buy into a vision for Taguig; second, that people can vote; and third, that people can run [for office],” aniya.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble