SA isang pagdinig sa Senado kaugnay sa presyo ng mga bilihin ngayong holiday season ipinunto ni Sen. Alan Peter Cayetano na ang biglang taas-baba sa presyo ng mga bilihin ay dapat masolusyunan para sa kapakanan ng mga mamimili.
Dito ay pahapyaw na tinira ng senador ang Kadiwa Stores ng DA kung saan nabibili ng mas mura ang bigas at iba pang agricultural products.
Paliwanag ng senador na bagamat naibababa ng Kadiwa ang presyo ng isang produkto sa merkado pero ito ay hindi naman pang matagalang solusyon, minsan lang din nagbubukas ang Kadiwa.
“The more consistent ‘yung Kadiwa mo na talagang may mas mura doon it will push the prices down. Pero kung ang mangyayari is parang once every 3 months lang ‘yung Kadiwa sa amin. Di ba hindi ka naman pwede bumili ng bigas once every three months lang,” wika ni Sen. Alan Peter Cayetano.
Paalala rin ni Cayetano sa DA na patingi-tingi lamang na bumubili ang mga mamimili kung kayat mas makabubuti kung dalasan ang pagbubukas ng Kadiwa Stores.
“Kaya nga uso pa rin ang tingi di ba even if ‘yung wholsale is mura because people usually only have money for a few days, for the week di ba? ani Cayetano.
Nitong Disyembre ay nagbukas ng Kadiwa Kiosks o stores ang gobyerno para makapagbenta ng murang bigas ngunit binabatikos din ito ng ilang mamimili dahil sa hindi naman ito pangmatagalang solusyon.
Kaugnay rito ay payo naman ni Cayetano sa DA na ang mga programa ng ahensiya ay dapat nakatutok sa mga magsasaka upang direktang maibaba ang presyo ng mga produktong pag-agrikultura.