HINIMOK ni Senador Alan Peter Cayetano nitong Martes ang Philippine women’s national volleyball team, Alas Pilipinas, na manatiling pursigido hindi lamang sa kanilang mga indibidwal na kakayahan kundi bilang isang solid na grupo upang buhayin ang pagmamahal ng mga Pilipino sa sports.
“Whether your goal is to be a better person or a better player, if you have an advocacy for the whole sport, let’s work together,” sabi ni Cayetano sa isang thanksgiving dinner sa lungsod ng Taguig nitong June 4, 2024.
Binati ng senador, bilang Chairman Emeritus ng Philippine National Volleyball Federation o PNVF, ang buong koponan sa kanilang podium finish. Ito ang unang pagkakataon sa loob ng 63 taon na nakakuha ang koponan ng Pilipinas ng bronze medal sa pagho-host ng bansa ng 2024 Asian Volleyball Confederation Challenger Cup o AVC Challenger Cup.
“Volleyball is there. I do know that individually, our players, our coaching staff, you all have advocacies. Let’s just be persistent,” aniya.
“As we go on, we really have to act like a community, like a family, in that sense, makikinabang y’ung next generation of players,” dagdag niya.
Tiniyak ni Cayetano ang patuloy na suporta niya at ni PNVF President Ramon Suzara sa mga atleta.
“From the background, we’ll do what we can. I’m hoping we can do more for the entire volleyball community,” sabi niya.
Inihayag din ni Cayetano ang kanyang pag-asa na makilala ang koponan hindi lang dahil sa pagsungkit nila ng medalya kundi para na rin sa pag usbong ng volleyball sa bansa.
Matapos ang kanilang pagkapanalo, itinaas ng Alas Pilipinas ang ranggo ng bansa sa FIVB women’s volleyball global rankings, mula sa ika-63 puwesto pataas sa ika-55 puwesto.
Mananatiling buo ang kinatawan ng bansa sa nalalapit na 2024 FIVB Volleyball Women’s Challenger Cup sa July na gaganapin sa Ninoy Aquino Stadium, kung saan isa ang Maynila sa host cities. Sasali rin ang koponan sa 2025 Southeast Asian Games sa Thailand.