MATAPOS ang apat na taon, magbubukas na rin ang 8.9-kilometer bridge na nagdudugtong sa Cebu City sa Mainland Cebu hanggang Cordova town sa Mactan ngayong buwan.
Ang pahayag na ito ay inilabas sa website ng Cebu-Cordova Link Expressway Corp. (CCLEC) at wala pang binigay na partikular na petsa kung kailan bubuksan ang nasabing tulay.
Ang CCLEC na siyang project developer ay nakikitang hindi lamang mababawasan ng Cebu-Cordova Link Express (CCLEX) ang matinding traffic sa dalawang tulay na nagdudugtong sa Cebu at Mactan kundi madadagdagan pa ang economic activities sa Cebu at buong Visayas.
Ang 30 bilyong pisong toll bridge ay gagamit ng all-electronic toll collection system upang makapagbigay ng ligtas at madaling biyahe sa pagitan ng Cebu City at Mactan kung nasaan ang Mactan-Cebu International Airport, Mactan Export Processing Zone at ilang nangungunang resort at hotel ng bansa.
Ang CCLEC ang nagpatupad ng konstruksyon ng proyekto at nagmo-monitor sa operasyon ng CCLEX sa pamamagitan ng joint venture agreement sa Cebu at munisipalidad ng Cordova.