HUMINGI ng paumanhin sa mga pasahero na naabala sa flight ang Cebu Pacific.
Kinilala ng Cebu Pacific ang hirap at pagkadismaya ng kanilang mga pasahero na naabala sa mga nakalipas na linggo sa joint hearing ng Senate Committee on Tourism at Senate Committee on Public Service.
Araw ng Miyerkules, ipinaliwanag ng naturang airline ang mga pangunahing dahilan ng pagka-delay at kansela ng kanilang mga flight, at ang pangyayari ay hindi nila ginusto.
Sa isinagawang Senate Committee on Tourism, araw ng Miyerkules, nagpahayag ng reklamo ang ilang mga pasahero sa aberyang idinulot ng Cebu Pacific.
Ayon naman kay Senator Christopher ‘Bong’ Go hindi lang ang Cebu Pacific ang may mga aberyang idinudulot sa mga pasahero kundi maging ang ilang mga local air carrier.
Sa joint hearing ng Senate Committee on Tourism at Senate Committee on Public Service, humingi ng paumanhin si Alexander Lao, Chief Commercial Officer ng Cebu Pacific sa mga problema at aberyang idinulot nito sa kanilang mga pasahero.
Inisa-isa rin ng Cebu Pacific ang mga dahilan na nakaaapekto sa kanilang operasyon.
May problema ang Aviation Industry sa buong mundo kung saan mahigit 120 Airbus Aircraft na gumagamit ng Pratt and Whitney Engine ang hindi makalipad.
Paliwanag ng pamunuan ng CEB noong taong 2022 nagreserba na ang naturang airlines ng ekstrang makina na doble sa inirerekomendang bilang, ngunit buwan pa lang ng Marso ay walang maibigay na spare engine support ang Pratt and Whitney na siyang gumagawa ng eroplano ng airbus na karaniwang gamit ng Cebu Pacific.
Sa kabila nito, tiniyak ng CEB na mapahusay ang kanilang mga operasyon at tulungan ang mga apektadong customer, nagpatupad sila ng ilang mga hakbang.