KINILALA ang Cebu Pacific bilang isang Textile Champion ng Department of Science and Technology (DOST) Philippine Textile Research Institute dahil sa kanilang pagsisikap na itaguyod ang mga lokal na tradisyon ng paghahabi sa pamamagitan ng paglalakbay at turismo.
Tinanggap ng Cebu Pacific ang parangal sa National Textile Convention (TelaCon) dahil sa kanilang “Discover PH QR Flight Codes” campaign.
Sa kampanyang ito, ginamit ang mga disenyo ng tradisyonal na habi bilang functional QR codes, na nagtatampok sa Binakol (Ilocos Norte), Ramit (Occidental Mindoro), Hablon (Iloilo), Patadyong (Antique), at Yakan (Zamboanga). Nagbibigay ito ng digital access sa mga kuwento sa likod ng mga katutubong tela.
Ayon kay Candice Iyog, CEB Chief Marketing and Customer Experience Officer, bahagi ng misyon ng Cebu Pacific na hindi lang maghatid ng mga pasahero sa kanilang destinasyon, kundi pati na rin ibabad sila sa mayamang kultura ng Pilipinas.
“As an airline that bridges people and places, we see it as part of our mission to not only carry travelers to their destinations but also immerse them in the rich cultural heritage of the Philippines,” paliwanag ni Iyog.
Binigyang-diin naman ni DOST Secretary Renato Solidum Jr. ang kahalagahan ng ganitong pakikipagtulungan sa pagtataguyod ng sustainable development.
Sa 37 domestic destinations at 26 na international destinations, patuloy na isinasama ng CEB ang kulturang Pilipino sa kanilang brand, na nagpapalakas sa kanilang papel sa paglago ng turismo at pagpapanatili ng kultura.